Simula noong pandemiya ng Covid-19, umusbong ang isang bagong sektor ng ekonomiya sa lalawigan ng Laguna: ang mga "online seller" na sa social media o online stores nagbebenta ng kanilang mga produkto dahil na rin sa mga restrictions na dulot ng pandemiya.
Limang taon matapos ang pandemiya, patok pa rin ang online selling, hindi lamang bilang "raket" o "sideline" kundi bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming Lagunense.
Ngayon ay hinihikayat ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga online seller na magparehistro bilang lehitimong negosyo upang mabigyan ng proteksyon sa ilalim ng batas, gayundin upang makapag-ambag sa mga programa ng pamahalaan.
Isa ito sa mga tinalakay ng mga opisyal ng DTI at Laguna Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO) sa kauna-unahang "Kapihan sa PIA Calabarzon: Ugnayan at Talakayan sa Laguna" ng Philippine Information Agency (PIA) sa SM City Calamba nitong nakaraang March 20.
Bilang kasagutan sa tanong ng OpinYon Laguna, inihayag ni Maria Clara Conopio, Consumer Protection Division officer ng DTI Laguna, na maging ang mga online seller ay kailangan na ring magpa-rehistro sa DTI at kumuha ng permit mula sa mga lokal na pamahalaan.
Dagdag ni Conopio, maraming "advantage" ang makukuha ng mga online seller kung ipaparehistro nila ang kanilang mga negosyo.
Kabilang na rito ay ang access sa mga loans na ipinagkakaloob ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, gayundin ang access sa iba't ibang mga programa ng DTI para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Bukod dito ay mas protektado rin ang mga consumer na bumibili sa mga online seller, lalo na kung depektibo o hindi tugma sa ipinakita sa online selling ang natanggap nilang mga produkto.
'Fostering collaboration'
Ang nasabing "Kapihan sa PIA Calabarzon" ang siyang kauna-unahan sa rehiyon ng Calabarzon na inilunsad ng PIA ngayong taon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Evelyn Verzola, mall manager ng SM City Calamba, ang kahalagahan ng naturang programa hindi lamang upang maipabatid sa publiko ang mga programa ng pamahalaan kundi upang mahikayat silang maging aktibong bahagi ng pagpapaunlad ng lalawigan ng Laguna at ng rehiyon ng Calabarzon.
"Kapihan sa PIA Calabarzon is an opportunity to foster collaborations, strengthen partnerships and exchange valuable insights that can help us continue to serve our public effectively," ani Verzola.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DTI #OnlineSelling