Sa isang tahimik na sulok sa kanto ng mga kalsada ng San Jose at San Agustin sa Barangay Pacita 1, San Pedro City, Laguna, tiyak na maaagaw ang atensyon ng mga nagdaraan sa makulay na mga display ng mga "robot" sa harap ng isang bahay.
At ang mas nakamamangha? Halos lahat ng mga obra na ito ay gawa sa recycled na basura.
Kilalanin natin si Tatay Romy Carlos Pascual, ang may-ari ng animo’y mabutingting na bahay kung tawagin ay "The Robot House" sa nasabing lugar.
Mula sa mga basurang pyesa katulad ng recycled materials, electric fans, at mga scraps sa kanyang bahay na dinedensyo ni Tatay Romy upang maging mga robot na gumagalaw.
Ayon kay Tatay Romy, sinimulan niyang gawin ang nasabing mga obra noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya ng Covid-19.
“Noong bata pa ako, mahilig na ako sa mga robot-robot. Tsaka ano ako eh, mabuting-ting, yan ang pinakalibangan ko,” kwento niya sa OpinYon Laguna.
Ayon sa kaniya, hindi siya tuloy-tuloy gumawa at kadalasan ay trinatrabaho niya ito kapag nasa tamang kondisyon o "mood lang."
May mga obra na natatapos sa loob ng isang buwan, habang ilan, tulad ng kaniyang T-rex at Pauper Dino ay inabot ng halos dalawang buwan bago makatapos ang obra.
Pinakilala niya rin ang mga pangalan ng ilan sa mga nagawa niyang robot at clay figures. Kabilang na rito sila Kokobot, T-rex Dinosaur, Jollibee, Mcdo, Mayor Art, Romy CPx, Cooper Dragon, at JUNOE R, at marami pang iba.
Ang bawat pangalan ng kanyang obra ay may kanya-kanyang kwento at inspirasyon, na nagbibigay ng mas personal na kahulugan sa kanyang mga likhang-sining.
(Litrato mula kay Kyrie Marzo)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

