Ninong Vista sa Mauban
Trending News

Ninong Vista sa Mauban

Mar 21, 2025, 5:34 AM
Jake Vinz

Jake Vinz

Writer

MAUBAN, Quezon -- Isang makasaysayang hakbang tungo sa mas maunlad na pamumuhay ang isinakatuparan dito sa bayan ng Mauban matapos pormal na ilunsad ang Ninong Vista.

Ang Ninong Vista ay proyektong bahay sa barangay San Lorenzo na naglalayong magbigay ng dekalidad, abot-kaya, at ligtas na tirahan para sa mga mamamayan.

Pinangunahan ni Mayor Ninong Erwin Pastrana ang naturang proyekto sa pakikipagtulungan ng 1050 Corporation.

May lawak na humigit-kumulang 4,000 metro kuwadrado, ang Ninong Visya ay itinayo upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang Maubeno na magkaroon ng disenteng tirahan.

Ang lupaing kinatatayuan ng proyekto ay ipinagkaloob ng pamilyang Comandor sa lokal na pamahalaan, bilang kanilang ambag sa housing program ng gobyerno.

Binubuo ang Ninong Vista ng apat na condominium-style na gusali na idinisenyo upang maging moderno, matibay, at maaliwalas.

Bukod sa abot-kayang halaga ng bawat yunit, sinigurado rin ng lokal na pamahalaan na ang mga residente ay magkakaroon ng maayos na kapaligiran, kumpletong pasilidad, at madaling access sa mga pangunahing serbisyo ng bayan.

Ang seremonya ay dinaluhan din nina Vice Mayor Alween Sardea, mga aspiranteng konsehal ng bayan, Barangay Chairman Batteler at kanyng mga kagawad.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Pastrana ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na tahanan para sa bawat pamilya ng mga taga-Mauban.

"Ang Ninong Vista ay hindi lamang isang proyekto sa pabahay--ito ay isang pundasyon ng mas matibay na kinabukasan. Ang pagkakaroon ng sariling tahanan ay isang hakbang patungo sa mas maunlad at mas ligtas na buhay para sa ating mga kababayan," ani Pastrana.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.