Netizens, binatikos ang pahayag ng Sariaya ex-mayor sa isyu ng lupa
Quezon

Netizens, binatikos ang pahayag ng Sariaya ex-mayor sa isyu ng lupa

'Pabango lang'?

Mar 6, 2026, 3:03 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

SARIAYA, QUEZON - Iba’t- ibang reaksyon mula sa mamamayan dahil sa videong tumatalakay sa umano’y mga nagawa ng dating alkalde ng Sariaya, Quezon na si Marcelo "Marceng" Gayeta para sa mga magsasaka sa Barangay Manggalang Kiling.

Lumabas ang isyu kasunod ng panibagong pagkilos at protesta ng mga magsasaka na patuloy na ipinaglalaban ang kanilang Certificates of Land Ownership Award (CLOA) na nabawi matapos umanong maapektuhan ng zoning ordinance na ipinasa noong 2018.


Ayon sa ilang netizens, tila pagpapabango lamang umano ng imahe ang nilalaman ng video at hindi malinaw na tinukoy kung sino ang nagpasimula ng reclassification ng mga lupang sakahan—isang hakbang na naging batayan sa pagbawi ng kanilang mga CLOA.


Matatandaan na noong 2018 din nanungkulan bilang alkalde ang naturang opisyal, kasabay ng pagpasa ng zoning ordinance ng bayan.


Batay sa umiiral na proseso, ang reclassification ng lupa ay nagsisimula sa lokal na pamahalaan bago ito isumite para sa pagsusuri at pag-apruba ng Department of Agrarian Reform at Department of Environment and Natural Resources (DENR).


Sa paliwanag ni Gayeta, iginiit nito na hindi niya pinabayaan ang mga magsasaka noong siya ay nasa puwesto.


Aniya, ginawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng hakbang upang maiparating ang usapin sa tamang tanggapan at makahanap ng solusyon.


Binigyang diin din ng dating alkalde, na katuwang niya umano ang kasalukuyang alkalde sa pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa sektor ng agrikultura sa bayan.


Sa ngayon ay nagpapatuloy ang panawagan ng mga magsasaka sa Barangay Manggalang Kiling para sa malinaw na resolusyon sa usapin ng kanilang mga lupang sakahan.


Si Marcelo Gayeta ay asawa ng kasalukuyang alkalde ng Sariaya na si Marivic Gayeta.


Patuloy namang sinusubaybayan ng iba’t ibang sektor sa Sariaya ang nasabing issue.


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CLOA


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.