Mismong sa loob ng kanyang pamamahay tinapos ang buhay ng isang negosyante na tinambangan sa Calamba City, Laguna noong hapon ng Lunes, May 25.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima na kinilalang si alyas "Ed," nasa hustong gulang at residente ng Barangay Canlubang ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Calamba City Police Station, naganap ang pamamaril sa mismong tahanan ng biktima sa isang private subdivision sa Barangay Canlubang pasado 4:45 p.m.
Kadarating lamang umano sa kanyang tirahan ang biktima at inutusan ang kanyang live-in partner na maghanda ng makakain.
Nang aabutin na sana ng biktima ang pera na nakalagay sa passenger seat ng kotse na sinasakyan niya ay doon na umano sumulpot ang dalawang suspek saka pinagbabaril ang biktima.
Kinuha rin umano ng mga suspek ang bag ng biktima bago sila tumakas sakay ng isang motorsiklo papunta sa direksyo ng Barangay Canlubang.
Limang basyo ng 9-mm na baril ang nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek, gayundin ang posibleng motibo sa krimen.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

