Negosyante, patay dahil sa palpak na kidnapping
NBI

Negosyante, patay dahil sa palpak na kidnapping

Jul 23, 2024, 2:29 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Naaagnas na nang matagpuan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang dumpsite sa Santa Cruz, Laguna ang katawan ng 70 taong gulang na babaeng isang buwan nang nawawala nitong July 13.

Ayon sa NBI, nalaman nila ang lokasyon ng katawan mula sa dalawang kidnapping suspek na nahuli nila nang magkasunod na araw ng July 11 at 12 sa inuupahang bahay ng mga ito sa Imus, Cavite.


Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Raymond David Reyes na kakalabas lang nitong Abril sa kulungan dahil sa kasong robbery, at si Pio Jonathan na sinasabing empleyado ng Bureau of Corrections (BOC).


Matapos ang ilang oras na paghahanap sa dumpsite habang umuulan, nakita ng NBI Homicide Section and Anti-Organized Crime Division sa nasabing lokasyon ang katawan ng biktima sa isang sako na may tapal sa bibig at naka-duct tape ang mukha.


Sinasabing strangulation o pagsakal ang lumalabas na ikinamatay ng biktima.


Ayon sa NBI, inambush ng mga suspek ang negosyante at anak nito malapit sa kanilang tinitirahan sa Quezon City bandang hatinggabi ng June 10, kung saan binaril ng mga suspek ang anak at sabay dinakip ang negosyante.


Matapos ang ilang oras ay tumawag sa pamilya at humihingi ng P5 milyong ransom ang mga suspek sa pamamagitan ng GCash subalit hanggang P500,000 lamang ang transaction limit na pwede sa naturang E-wallet app kaya naman bumaba ang ransom sa P450,000.


Binigyan ng mga suspek ng hanggang alas-singko ng parehong araw ang pamilya para maibigay ang pera subalit matapos ang hindi pagkakasundo sa negosasyon, pinutol ng mga suspek ang komunikasyon sa pamilya ng biktima.


Ayon sa isa sa mga suspek, pinatay nila ang biktima isang araw matapos nila siyang dukutin.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.