Ang school calendar ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ay puno, hindi lamang ng mga aralin, kundi maging ng iba’t ibang pagdiriwang at patimpalak.
Sa kasalukuyan, tinatayang 150 na mga aktibidad na isinabatas ang "bumabara" sa mas pinaikling taon ng pag-aaral, mula sa mga paggunita tulad ng Nutrition Month hanggang sa mga kumpetisyon gaya ng National Schools Press Conference.
Kung titingnan, maraming aktibidad na nagbibigay kulay sa buhay estudyante, subalit may kaakibat din itong bigat.
Ang pangunahing suliranin ay ang malaking oras na nawawala para sa core subjects, ang pundasyon ng kaalaman ng ating mga kabataan.
Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), ang mga pagdiriwang at patimpalak na ito ay umaabot mula sa antas ng paaralan, division regional, hanggang sa national level.
Bawat yugto ay nangangailangan ng tryouts, practices, at seryosong dokumentasyon.
Ang resulta? Mas maraming oras ang nailalaan para sa mga aktibidad na ito kaysa sa aktwal na pagtuturo at pagkatuto sa loob ng silid-aralan. Ang mga mag-aaral at guro ay lumiliban sa regular na klase, na nagiging sanhi ng pagkaputol ng daloy ng pag-aaral.
Ang epekto nito ay hindi lamang sa dami ng oras na nawawala, kundi maging sa kalidad ng edukasyon.
Kapag ang mga mag-aaral ay patuloy na naliliban o nagiging abala sa mga extra-curricular activities, nababawasan ang kanilang focus sa mga pangunahing asignatura tulad ng Mathematics, Science, at English.
Maaari itong magresulta sa learning loss, o ang paghina ng kanilang pag-unawa at kasanayan sa mga mahahalagang paksa.
Ang mga guro naman ay nahihirapang tapusin ang curriculum, at ang patuloy na pagputol sa daloy ng pagtuturo ay nakakaapekto sa pagkamit ng mga learning objectives.
Walang duda na mahalaga ang holistic development ng mga mag-aaral.
Ang mga pagdiriwang at patimpalak ay nakakatulong sa paghubog ng talento, tiwala sa sarili, at social skills. Subalit, hindi dapat itong mangyari sa kapinsalaan ng pangunahing layunin ng paaralan – ang pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa mga akademikong larangan.
Kailangan ng masusing pagsusuri at balanse. Ang pagdami ng mga isinabatas na aktibidad ay isang senyales na marahil, sobrang dami na at oras na upang pagtuunan ito ng pansin.
Upang matugunan ang isyung ito, nararapat na muling balikan at suriin ng EDCOM 2 at ng Department of Education (DepEd) ang kasalukuyang school calendar.
Maaaring limitahan ang bilang ng mga legislated activities o kaya naman ay pagsama-samahin ang ilan upang mas mapakinabangan ang oras.
Nararapat ding ikonsidera ang pag-aalis ng mga aktibidad na hindi direktang nakakatulong sa pangunahing pagkatuto at pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip, tulad ng mga United Nation Celebrations, Valentine's Day celebrations, at Beauty Pageant sa loob ng paaralan.
Dapat bigyang prayoridad ang paglalaan ng sapat at tuloy-tuloy na oras para sa pagtuturo ng mga core subjects.
Maaari ring tingnan ang posibilidad ng pagsasama ng ilang extra-curricular activities sa loob ng regular na oras ng klase sa paraang hindi nakakaapekto sa pagtuturo.
Sa huli, ang layunin ay makalikha ng isang kalendaryong pang-edukasyon na epektibong sumusuporta sa komprehensibong pag-unlad ng mga mag-aaral, nang hindi isinasakripisyo ang kanilang pangunahing pagkatuto.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

