Sinimulan na ngayong buwan ng Oktubre ang nationwide registration program para sa Unified Persons with Disabilities (PWD) Identification Card (ID).
Ang nasabing programa na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)at ng National Council on Disability Affairs (NCDA), ay naglalayong maibsan ang mga problema sa kasalukuyang sistema ng pag-iisyu ng PWD ID ng mga lokal na pamahalaan, gayundin ang pagkalat ng mga pekeng ID na ginagamit ng mga mapagsamantala sa pag-claim ng 20 porsiyentong diskwento sa mga produkto at serbisyo.
Sa isang press conference kamakailan, sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Information and Communications Technology Johannes Paulus Acuña, inaasahang aabot sa 200,000 na mga PWD ang maipaparehistro sa unified system.
Ang nationwide rollout ng Unified PWD ID system ay bunga ng magandang resulta ng pre-pilot implementation mula August 11 hanggang September 12 sa ilang mga lugar sa Pilipinas, kabilang na ang Santa Rosa City, Laguna.
“The feedback coming from the experience from the registration was good. From what we observed during the pre-pilot, the turnaround time for persons with disabilities to get registered was around seven to 10 minutes,” ayon kay Acuña.
Nakatanggap ang nasabing programa ng positive net satisfaction rating na 4.6 out of 5 mula sa mga Persons with Disability Affairs Offices na lumahok sa naturang pilot implementation.
Nagsasagawa na ang NCDA ng mga orientation sa iba pang mga LGU ukol sa bagong sistema.
Ang Unified PWD ID ay may natatanging QR Code na pwedeng mai-scan ng mga business establishment upang matiyak na lehitimong PWD ang mayhawak nito.
(Ulat mula sa PNA)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PWDID #DSWD #NCDA
