Patuloy ang pingkian ng hindi lang ng dalawa kundi tatlo o higit pang panig sa isyu ng pagbungkal kamakailan sa makasaysayang Malagunlong River sa bayan ng Agdangan sa Lalawigan ng Quezon.
Ito ay sa kabila ng paghingi ng paumanhin ng mga inhenyero, contractor at iba pang kasangkot sa anang mga mamamayan ng bayan ay walang habas at nakakarimarim na pagwasak sa ilog na kung tagurian ay pamana ng lahi at pangkulturang kayamanan.
Sa katunayan, ito ay inari na ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang heritage site at cultural artifact.
"Humihingi po kami ng paumanhin sa mga Agdanganin sa aming nagawa," wika ni Arvin Solano, ang kinatawan ng Amethyst Horizon Builders and General Contractor and Development sa public hearing kaugnay sa usapin na idinaos sa covered court ng munisipyo noong alas diyes ng umaga hanggang alas dos ng hapon noong ika-8 ng Mayo, 2023 na dinaluhan ng mga opisyal ng Local Government Unit (LGU), mga tauhan ng DPWH-Quezon III at kaugnay na tanggapang pribado at pampubliko at mga residente ng komunidad.
Humingi na rin ng pasensiya ang mga taga-Department of Public Works and Highways (DPWH) Quezon III sa kakulangan ng koordinasyon bago isinagawang pagba-backhoe sa ilog.
Ayon kay Rhadam Aguilar, ang alkalde ng bayan, wala siyang kaalam-alam sa pagsisimula ng proyekto na ayon sa kilalang photographer na si Donald Tapan, residente ng bayang ito ay nagkakahalaga ng P93 milyon.
"Nag-courtesy call lang ang mga engineer at contractor sa akin pero wala silang idinetalye tungkol sa project," wika ni Aguilar.
Pambansang proyekto, anang mayor ng DPWH ang pagtibag sa Malagunlong River.
Kaugnay ito sa paggawa ng flood control sa Agdangan.
Ayon kay Tapan, dating Ikalawang Punong Bayan, April 11, 2023 ang nakasaad na anunsyo publiko ng DPWH sa pagsisimula ng proyekto pero Mayo 4 na isinabit ang tarpaulin at Mayo 2, 2023 sinimulan ang pagbakbak sa ilog. "Ripraping lang ang gagawin sa gilid ng ilog pero dinukal na rin ang sahig at nasira na ang rock formation na pinakaiingat-ingatan naming mga mamamayan ng Agdangan. "Sayang ang rock formation. Kakaiba ito," panaghoy ni Donald.
Isa pang sikat na photographer na Tapan, si George, kapatid ni Donald, ang nadismaya sa pagkakasira ng anya'y saksi sa kanyang masaya at di-malilimutang kabataan ng paglangoy, pamamasyal at paghanga sa magandang tanawin sa kanyang bayan.
Sinisi ni George ang anya'y kapabayaan ni Aguilar sa pagsira sa isa sa mga kalinangan ng lahi sa Agdangan. "Ang pangalang Agdangan ay nagmula sa hagdan-hagdang bato sa ilog ng Malagunlong kaya makasaysayan ito. Bakit sisirain?" tanong ni George.
“Sino ba naman ang hindi nagmamahal sa Malagunlong River? Ako rin. Hindi lang kayo,” pakli ni Aguilar.
Inanyayahan ang magkapatid na Tapan para dumalo sa public hearing pero ibinoykot ito ni George.
Sa kabila ng pagsisiwalat at pagdepensa ni Aguilar ng kanyang kinaroroonan ng mga sandaling tinitibag ang ilog ay may mga nag-a-agam-agam sa responsibilidad nito bilang serbisyo publiko, may nagtatanong pa rin kung sino ang nagbigay ng pahintulot na ituloy ang proyekto. "Wala akong kinalaman sa pagwasak ng Malagunlong River. Hindi ako ang nag-utos n'yan," pahayag niya.
Anya, nasa ospital siya sa Lucena City at nagpapagamot nang gibain ng kumpanyang nakatalaga sa pagtibag ng ilog.
Nauna nang pinasubalian ng isang nagngangalang Pepe Alas—na ani Aguilar ay taga-kapitbayan na Unisan—bobo at inutil ang alkalde sa pagsira sa ilog.
Gayunman, nagtengang-kawali na lang si Meyor Aguilar sa mga kritisismo at panlalait sa kanya. Nakiusap siyang tigilan na ang paggamit ng nang-iinsultong salita dahil wala namang perpekto. Kahit anya ginaganyan siya ng kanyang mga kababayan ay hindi "ako utak-berdugo."
Sinabi ni Aguilar na nang lumabas siya ng ospital ay dumiretso siya sa Malagunlong para pigilan ang nagba-backhoe pero nasira na ang ilog.
"Sino ang may kasalanan samantalang awtoridad siya?" tanong naman ni George.
“’Yong katabing may-ari ng Malagundong River, si Rexy Alegre, ninety years old na’yon, pinagsabihan niya ‘yong nagba-backhoe, wala, itinuloy pa rin ‘yong pagbakbak,” kuwento ni George.
Tanong muli ng marami, sino ang nagbigay ng pahintulot sa mga contractor at engineer na bakabakin ang ilog?
"'Yang si George Tapan, sikat nga siyang photographer, may nagawa ba siya para sa ating bayan?" tanong ni Aguilar.
Inilinaw ng alkalde na taga-Unisan naman sina George. "Mga taal po kaming taga-Agdangan," paglilinaw ni Donald.
Sa gitna ng mainit na isyu, nagpahayag naman ang ilang Agdanganin netizens ng saloobin kaugnay sa alingasngas.
Allyna Alcantara: "cnu kaya ang manininidigan pra sa Malagunlong pra eto ay mbigyan ng hustisya."
Aguilar Damn: "Kelangang managot si Contractor jan. umamin na ang engr. at representative na malaki ang pag kukulang nila e no coordination. Dapat mag File a case di uubra yung diyos nga nagpapatawad nagkakamali din at walang perpekto na tao eh pinag aralan nila yan before sila mag proceed dapat yung method na gagawin na discuss nila sa municipal engr."
Gina Bathelemy"...Nasira na po ang bigay ng kalikasan. My heart breaks when I saw this. So many memories of my childhood. The place where I learned to swim together with my brothers. Not all developments are good. This one is disaster..."
Para maayos ang lahat, restoration ng ilog ang napagkasunduan ng Sangguniang Bayan, ayon kay Aguilar.
Gayunman, marami ang nagprotesta na hindi ganoon kadali ang restorasyon. Kailangan, anang mga kasapi ng civil society na makipag-ugnayan ang LGU sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno at private sector upang mabigyan ng pagsang-ayon.
"Gagawa tayo ng replica na mas maganda. Ang ilalim ng ilog, mas magiging maganda paglanguyan," pangako ni Aguilar.
“Kailangang huwag na tayong magkontrahan. Magkasundo na lang tayo sa restoration,” pagsusumamo ng mayor.
“Hindi pa rin ang original. Wala na ang historical significance ng restoration. Marami nang mawawala,” katwiran ni Donald.