Nakakabaliw na Internet
Telecoms

Nakakabaliw na Internet

Aug 27, 2025, 2:19 AM
Jai Duena

Jai Duena

Writer

(Ikatlong bahagi ng seryeng ‘PLDT Naman’)

Balik sa realidad ng lansangan, nito lang nakaraan ay dalawang araw kaming nawalan ng internet nang wala man lang abiso.

Sa panahon ngayon na mayroon nang online classes at work-from-home, isang malaking abala ang mawalan ng internet, biglaan man o hindi.

Nakakatawa rin dahil tuwing tutunog ang landline namin sa bahay, sigurado kaming PLDT ang natawag at mag-aalok ng upgrade, pero ang mag-abiso o mag-update man lang sa nawalang internet ay hindi magawa. Baka wala rin silang internet?

Sa katunayan, kahit wala kang klase o trabaho ay malaking abala pa rin ang walang internet.

Nakakabaliw!

Malungkot mang realidad na hindi na kayang mabuhay ng modernong tao na walang internet, realidad pa rin ito.

Realidad rin na marami nang Pilipino ang dalawa ang internet sa bahay para mayroong back-up. Doble gastos pa tuloy. Mahal na nga, doble gastos pa.

Bagamat hindi kasing lala ng kawalan ng tubig ang kawalan ng internet, pamilyar ang mga isyu tulad ng outages, mahinang connection, mabagal na repair, at poor customer support.

Hindi ako nag-aakusa, pero tutal ay iniimbestigahan naman na ang PrimeWater sa mga parehong isyu, baka naman pwede nang isingit ang PLDT at nagbabakasakaling magkaroon ng pagbabago o “yung bago naman.”

Higit sa lahat, nakakabagot ang walang internet! Di ko kaya! Mababaliw ako!

Napapasabi ako ng, “Ano kaya ang magawa? Magsulat kaya ako tungkol sa PLDT? Ay teka! Wala nga palang internet, hindi ako makakapag-research. O sige, usap na lang ulit kami ng aso ko.”

At dahil nabanggit na rin ang tubig, kumusta naman ang serbisyo ng Maynilad? Sulitin na rin natin at itanong: paano naman ang Meralco? Higit ulit sa lahat, aso ko na lang ba ang natutuwa sa PLDT?

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.