Makikita mula sa tuktok ng Mt. Pinagbanderahan ang ganda ng Mt. Banahaw, mga isla ng Marinduque at Mindoro, pati na rin ang mga pangunahing bayan at lungsod ng Quezon, tulad ng Lucena, Pagbilao, at Tayabas, gayundin ang dagat sa Padre Burgos at isla ng Borawan.
Sa loob ng Quezon National Forest Park sa Barangay Malinao Ilaya, Atinoman, Quezon, matatagpuan ang isang bundok na naging parte ng kasaysayan ng ating bansa: ang Mt. Pinagbanderahan.
Ang “Pinagbanderahan” ay hinango sa salitang “bandera” o watawat, dahil sa lugar na ito iwinagayway ang watawat ng tatlong bansa na naging saksi sa ating makulay na kasaysayan.
Unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas sa bundok na ito sa kalagitnaan ng rebolusyong Pilipino noong ika-19 na dekada.
Noong 1939, nagtayo naman ang mga Amerikano ng isang cavalry detachment sa lugar kung saan itinaas ang watawat ng Estados Unidos.
Sa kalagitnaan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinaas naman ang watawat ng mga mananakop na Hapones bago muling iniwagayway ang watawat ng Pilipinas noong 1946.
Ang naturang bundok ay isinama sa “Quezon National Forest Park” noong Oktubre 25, 1934 sa bisa ng Proclamation No. 740 ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Kakaibang karanasan
Kailangan mong magparehistro at magbayad ng P300 para sa environmental fee at tour guide.
Magalang, mahaba ang pasensya, at napakahusay kumuha ng mga larawan ng tour guide.
Hindi mahirap akyatin ang Mt. Pinagbanderahan. Maglalakad ka lamang naman ng dalawang kilometro habang binabagtas mo ang mayamang kagubatan ng bundok. Malalanghap mo rin ang sariwang hangin na dumadampi sa iyong balat.
Mahaba ang bahagi na sementado ang daan, may mataas na ahon at matarik na daan ngunit ligtas kang makakaakyat dahil sa mga hawakang lubid at bakal.
May mga kuweba ka ring madadaanan at maaari mong pasukin, katulad ng Kuwebang Santa na pinaniniwalaang pinagtaguan ng mga gerilya noong panahon ng pananakop ng mga Hapones.
Matapos ang tatlong ahon na matarik ay mararating na ang summit o tuktok ng bundok.
Habang ikaw ay nasa tuktok ng bundok, mawawala ang iyong pagod sa ganda ng tanawin.
Makikita mula sa tuktok ng bundok ang ganda ng Mt. Banahaw, mga isla ng Marinduque at Mindoro, pati na rin ang mga pangunahing bayan at lungsod ng Quezon, tulad ng Lucena, Pagbilao, at Tayabas, gayundin ang dagat sa Padre Burgos at isla ng Borawan.
Hindi ito ang una kong karanasan na marating ang tuktok ng Pinagbanderahan ngunit masasabi ko sa bawat hakbang ng aking mga paa panibagong alaala na naman ang baon ko pag-uwi.
Tags: #OpinYonQuezonin, #AtimonanQuezon, #MtPinagbanderahan, #travelogue