Isang paalala sa mga motorcycle owner: huwag iwanan ang susi ng inyong mga motorsiklo sa inyong mga sasakyan.
Ito ang aral na natutuhan ng isang may-ari ng motorsiklo sa Calamba City, Laguna matapos siyang muntik manakawan ng motorsiklo noong Martes, October 29.
Ayon sa ulat ng Calamba City Police, mismong ang biktima na kinilala lamang sa alyas "Roman" ang nagsuplong sa suspek na kinilalang si alyas "Nico" matapos niya itong maaktuhan na tinatangay ang kanyang motorsiklo.
Sa salaysay ni "Roman," aksidente niyang naiwan ang susi ng kanyang motorsiklo sa ignition switch ng kanyang sasakyan bandang alas-sais ng gabi ng Lunes, October 28, sa labas ng kanyang tahanan sa Barangay Real, Calamba City, Laguna.
Pagbalik niya sa labas upang kunin ang susi ay napansin niyang wala na ito.
Naghinala si "Roman" may masamang balak ang tumangay ng susi kaya palihim siyang nagmatyag sa kanyang motorsiklo.
Bandang ala-una ng umaga ng Martes, October 29, ay naaktuhan ng biktima si alyas "Nico" na tinatangkang paganahin ang motorsiklo, ngunit nabigo ito.
Itinulak na lamang umano ng suspek ang motorsiklo papunta sa kanyang sariling bahay at binalutan ito ng tela upang hindi mahalata ang ginawa niyang krimen.
Dito na humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod na siya namang umaresto sa suspek.
Nakakulong na ngayon si alyas "Nico" sa Calamba City Police Station habang inihahanda ang kasong carnapping laban sa kanya.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews