Binawian ng buhay ang isang 57-taong gulang na rider matapos na bumangga ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa isang naka-park na truck sa tabi ng kalsada sa Tuy, Batangas.
Ayon sa report ng kapulisan nitong Lunes (26 Feb 2024) nangyari ang insidente noong Sabado (24 Feb 2024) ng gabi sa bahagi ng Barangay Sabang.
Ayon sa pulisya, batay sa medikal na rekord ng biktima, lumabas na nakainom ito bago mangyari ang aksidente.
"Ang nakita po nating dahilan dito ay ang driver ng motorsiklo, batay sa kanyang medikal na rekord, lumabas na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang driver ng motor. Sa epekto na nakita namin, inaakala namin na mabilis ang takbo ng motor," sabi ni Police Major Roy Cuevas, OIC ng Tuy Police Station.
Idinagdag pa ni Cuevas na pauwi na ang biktima mula sa isang pagpupulong kasama ang kanyang mga katrabaho at wala siyang suot na helmet nang mangyari ang insidente.
Sinabi naman ng driver ng truck na siya ay mag-iinspect ng gulong ng kanyang sasakyan bago magbiyahe nang bumangga ang biktima.
Mayroon nang naganap na pag-uusap ang pamilya ng nasawing rider, at ang driver at may-ari ng truck.
#WeTakeAStand #OpinYonBatangas