Paalala sa mga motorcycle rider: huwag iwanang naka-andar ang motorsiklo, kahit na sandali lamang itong iiwan.
Ito ang masakit na aral na natutunan ng isang motorcycle rider matapos siyang matangayan ng motorsiklo noong Martes, June 16.
Personal na nagtungo sa San Pablo City Police Station ang biktima na kinilala lamang sa alyas "Paul," 37 anyos at residente ng San Antonio, Quezon, upang iulat ang naturang insidente.
Sa salaysay ni "Paul," sandali umano niyang iniwan ang kanyang motorsiklo sa harapan ng isang establisyimento sa Barangay San Francisco Calihan, San Pablo City, bandang 1:30 ng hapon noong Martes.
Iniwan umano niyang nakabukas ang motorsiklo habang naghahatid ng delivery, bagay na sinamantala umano ng suspek na kinilalang si alyas "Jay," 26 anyos at residente ng Barangay Santa Cruz Putol ng nasabing lungsod.
Mabilis umanong pinaandar ng suspek ang motorsiklo papunta sa direksyon ng Barangay Santo Niño.
Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad, dahilan upang maaresto ang suspek at mabawi ang ninakaw na motorsiklo sa bahagi ng Dolores, Quezon.
Nakadetine na sa San Pablo City Police Station si "Jay" na nahaharap ngayon sa kasong carnapping.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

