‘Most Wanted’ ng probinsya, arestado
Arrest

‘Most Wanted’ ng probinsya, arestado

Mar 7, 2024, 3:25 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Na-aresto sa isang operasyon na pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit kasama ang Batangas City Police Station, PMFC, at MARPSTA Maritime Group ang isang lalaking itinuturing na Most Wanted Person (MWP).

Nadakip ang naturang MWP bandang alas-11:30 ng gabi nitong ika-24 ng Pebrero, 2024 sa Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City.


Batay sa ulat ni Police Colonel Samson B. Belmonte, ang Provincial Director ng Batangas Police Provincial Office, kay Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, ang Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON, ang na-arestong akusado ay si Regner Parcon y Rojo, 43 taong gulang, tubong Bacolod City at residente ng Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City.


Si Parcon ay na-aresto batay sa Warrant of Arrest na inilabas ng RTC Branch 122 Caloocan City noong ika-10 ng Oktubre, 2023.


Natuklasan na nauna nang na-aresto si Parcon sa Lungsod ng Caloocan noong 2023 dahil sa paglabag sa RA 9165, Art. 11, Sec 11 o Possession of Dangerous Drugs.


Nag-aplay diumano ang akusado para sa probation ngunit hindi ito dumalo sa mga pagdinig ng kanyang kaso.


“Patuloy ang Batangas PNP sa pagpapaigting sa kampanya laban sa pagtutulak ng ilegal na droga at sa lahat ng uri ng kriminalidad. Walang humpay din ang ating pagtugis sa mga may pananagutan sa batas. Isang babala ito sa mga gumagawa ng mga paglabag upang itigil na ang inyong gawain dahil ang buong PNP ay hindi titigil sa aming layuning masugpo ang kriminalidad tungo sa lubos na payapang bansa, tungo sa Bagong Pilipinas,” wika ni Belmonte.


Ang ulat na ito ay inilabas sa pamamagitan ni Pmaj Dave Alex Mercado, Punong Opisyal, Provincial Public Information Office na may Telepono at Fax No.: (043) 980 0400 at Email Address: batangaspnppio@gmail.com .

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonBatangas #BatangasMostWanted


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.