Pumasyal na at magsaya sa kagandahang taglay ng Mohikap Lake na matatagpuan sa lungsod ng San Pablo.
Ito ang panawagan ng lokal na pamahalaan matapos ideklarang Water Sports and Recreational Sanctuary ang nasabing lawa sa bisa ng City Ordinance No. 10, S. 2025.
Sa bisa ng nasabing ordinansa, binubuksan ang naturang lawa upang maging lugar para isagawa ang mga aktibidad na pang-isports at libangan.
Kabilang dito ang mga water-based activity tulad ng kayaking, paddle boarding at rowing na maaaring gawin ng buong pamilya o magkakaibigan.
Lahat ng ito ay bahagi pa rin ng kanilang hakbang upang suportahan ang mungkahi ng administrasyon na gawing pangunahing destinasyon ng paddling ang Pilipinas ayon sa Proclamation No. 699.
Kaya naman kasama sa pinapaigting dito ay ang panghihikayat sa lahat na yakapin ang paddling bilang sports at libangan.
Tinitiyak ng lokal na pamahalaan na handa na silang tumanggap ng mga bibisita sa lugar at kumpleto ang mga kagamitan para sa nais na aktibidad.
Ang mga residenteng nakatira sa paligid ng lawa ay mabibigyan din ng prayoridad na makapagsimula ng hanapbuhay sa pamamagitan ng turismo at community enterprise.
Para sa mga interesadong bumisita, magkakaroon ng tourism fee na P20 upang makapasok sa Mohikap Lake.
Ngunit may ilang paalala ang kanilang tanggapan na dapat tandaan bilang pagsunod sa ipinatupad na ordinansa.
Ipinagbabawal gawin sa loob at paligid ng lawa ang mga sumusunod: pagtatapon ng basura, paggamit ng mga motorized boat na gumagamit ng gasolina o kerosene, at pagpasok ng non-biodegradable na materyalaes.
Ang mahuhuling lumabag ay maaaring pagmultahin mula P1000 hanggang P5000 depende sa bilang ng pagkakasala.
Pangungunahan ng City Tourism Office, City Environment and Natural Recources Offce at Sports Development Office ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa.
Ang Mohikap (o Mojicap) Lake ay matatagpuan sa Barangay San Buenaventura malapit sa boundary ng bayan ng Calauan, at siyang pinakahilaga at pinakamaliit sa Pitong Lawa ng lungsod.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

