Modernisasyon ng QMC, full-force na
Government Infrastracture

Modernisasyon ng QMC, full-force na

Mar 6, 2026, 2:52 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Sa gitna ng patuloy na paglobo ng bilang ng mga pasyente, inilunsad ng Quezon Medical Center (QMC) ang serye ng mga makabagong inisyatiba at malaking pagbabago sa kanilang pasilidad at serbisyo, layuning matugunan ang pangangailangang medikal ng mga residente ng probinsya at mga karatig-lugar.

Isa sa mga pangunahing hakbang ng QMC ay ang pagbubukas ng bagong Mental Health Unit na bukas mula Lunes hanggang Biyernes.


Ang unit na ito ay itinatag kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga tumatawag sa crisis healthline, patunay ng lumalaking kamalayan at pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan ng pag-iisip sa Quezon.


Inaasahan ng pamunuan ng ospital na mas marami pang mamamayan ang maaabot ng serbisyong ito habang patuloy na tumataas ang mga kaso ng mental health concerns sa rehiyon.


Hindi rin tumitigil ang QMC sa paglutas ng matagal nang hamon sa kakulangan ng pasilidad para sa mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis.


Inanunsyo ni Governor Angelina "Doktora Helen" Tan ang planong pagpapalawak ng dialysis center, mula sa kasalukuyang 17 upuan, dadagdagan ito ng 20 upuan upang mapabilis ang serbisyo at mapagbigyan ang mas maraming pasyente.


Target na mabuksan ang bagong pasilidad sa Mayo ngayong taon.


Samantala, mas pinaganda at pinalaki na rin ang Emergency Room (ER) ng QMC, na ngayon ay may kapasidad na tumanggap ng hanggang 50 pasyente.


Gayunpaman, inamin ni Tan na halos araw-araw ay nananatiling puno ang ER.


"Hindi kami tumatanggi ng pasyente, pero mahaba talaga ang hintayan," anang gobernadora.


Binigyang-diin niya ang dedikasyon ng ospital na paglingkuran ang lahat ng nangangailangan sa kabila ng limitadong espasyo at tauhan.


Upang mapabilis at masiguro ang maayos na proseso, ipinatupad na rin ang isang bagong queuing system sa QMC.


Pinapayuhan ang mga pasyente at kanilang mga kasama na magtanong sa mga guard at operator na itinalaga upang tumulong sa paggamit ng sistema.


Patuloy ang QMC sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo—isang malinaw na hakbang patungo sa mas mataas na antas ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga mamamayan ng Quezon at kalapit na probinsya.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.