'Modern waiting shed,' binuksan sa Los Baños
OpinYon Laguna

'Modern waiting shed,' binuksan sa Los Baños

May 27, 2024, 3:52 AM
Catherine Go

Catherine Go

Writer/Photographer

Sa panahon ngayon na matindi ang init ng panahon, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga waiting shed upang maibsan ang kalbaryo ng mga commuter.

Ito ang dahilan kung bakit naisip ng pamahalaang bayan ng Los Baños, Laguna ang pagtatayo ng isang "modern waiting shed" na makakatulong nang malaki sa mga mamamayan ng naturang bayan.

Pinangunahan ni Mayor Anthony "Ton" Genuino ang pagbubukas ng unang "Modern Waiting Shed" sa harap ng Lopez Elementary School nitong nakaraang Biyernes, May 17.

Ayon kay Genuino, ang naturang waiting shed na kayang mag-upo ng 18 katao ay ginawa upang may masilungan ang mga estudyante habang naghihintay ng masasakyan.

"Ang naturang mga waiting shed ay sumisimbolo sa pag-aruga at pagkalinga ng pamahalaang bayan sa mga mamamayan nito," pahayag ng alkalde.

Wala mang "giant aircon" na gaya sa BGC, kumportable pa rin aniya ang naturang waiting shed dahil mayroon itong giant ceiling fan na makakaibsan sa init ng panahon.

Bukod pa rito ay mayroon itong "Tatak Elbi" vending machine kung saan pwedeng makabili ng refreshments, merienda at mga pagkaing tatak Los Baños.

"I want our citizens to experience quality programs and projects na nakikita sa mga first world countries. Kaya naman natin ‘yan eh. Kailangan lang ng gobyernong may will na ipakita sa tao at puso na maiparanas sa mamamayan. We can be at par with the first world countries. Sana ma-appreciate ito ng mamamayan kasi ito ang simula na all our projects ay bago," ayon kay Genuino.

#WeTakeAStand #OpinYon #ModernWaitingShed #TatakElbi


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.