Ilang buwan matapos ilunsad ang "Modern Waiting Shed," isa na namang ehemplo ng makabago at mas progresibong Los Baños ang dapat asahan ng mga mamamayan nito.
Ito ang paniniyak ni Mayor Anthony "Ton" Genuino kasabay ng groundbreaking ceremony para sa "Modern Boundary Marker" sa naturang bayan noong August 21.
Ang naturang bagong boundary arch na itatayo sa National Highway sa boundary ng Los Baños at Calamba City ay may layuning ipakita at maipadama sa publiko ang isang bago at mas progresibong Los Baños, alinsunod na rin sa kanyang adhikain na tahakin at maglunsad ng mga programang magbibigay benepisyo sa mga mamamayan, ayon kay Genuino.
"Nais natin na magkaroon ng magandang impression ang mga turista papasok pa lang sa ating bayan. So nagdecide kami na magtayo ng isang modernong arko na kakaiba among the rest of the municipalities here in Laguna," pahayag ng alkalde sa isang panayam sa OpinYon Laguna.
Bukod sa modernong disenyo, mayroon itong guard post at water feature signage.
Dagdag pa ni Genuino, agad nang sisimulan ang konstruksyon na target matapos sa loob ng tatlong buwan at mapasinayaan na bago ang dagsa ng mga bisita sa Kapaskuhan.
Mas maayos na patubig
Samantala, ibinida rin ni Genuino na naresolba na rin ang matagal nang inirereklamo ng mga residente ng Barangay Tuntungin Putho tungkol sa kawalan ng suplay ng tubig, lalo na sa mga sineserbisyuhan ng Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC).
"Matatandaan natin na since last year, tayo ang nag-push sa LARC na maglagay ng sariling pumping station diyan sa LA Subdivision. Finally, nagawa na rin natin [ng solusyon], so wala nang problema sa tubig ang Barangay Tuntungin Putho,” ani Genuino.
Ayon pa sa alkalde, naging maayos rin ang transition ng Manila Water Philippine Ventures (MWPV), na siyang nag-takeover sa pamamahala ng LARC mula sa Laguna Water nitong nakaraang Hunyo.
"Ang tinututukan na ngayon ng bagong management ng LARC ay yung iba pang mga barangay, small packets of areas na may problema pa rin sa tubig. I expect matatapos nila ang mga projects nila bago matapos ang taon," dagdag pa niya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ModernWaitingShed #MWPV #LARC