Arestado ang isang lalaking sangkot umano sa serye ng panloloob sa mga sasakyan sa lalawigan ng Laguna nitong nakaraang Miyerkules, August 27.
Inilagay na sa hospital arrest ang suspek na kinilalang si alyas "Gerald," 22 anyos at residente ng Tondo, Maynila.
Ayon sa Calamba City Police Station, kabilang umano si "Gerald" sa isang grupong sangkot sa pambabasag ng mga sasakyan sa Calamba City at kalapit na mga lungsod.
Batay sa ulat ng pulisya, muling nambiktima ang suspek, kasama ang kasabwat niya na sakay ng motorsiklo, ng ilang mga sasakyan sa harap ng isang coffee shop sa Barangay Halang noong hapon ng Miyerkules.
Ngunit sa kasamaang-palad, may sakay pala ang isa sa mga sasakyan na binasagan niya ng bintana.
Nang tangkaing undayan ng saksak ni "Gerald" ang may-ari ng sasakyan na kinilalang si alyas "Julius" ay nagawa nitong gumanti at binaril ang suspek.
Kaagad inireport ni "Julius" ang insidente, dahilan upang magsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Calamba City Police Station.
Natutop ng mga awtoridad ang suspek habang naka-confine sa isang pampublikong ospital sa Calamba City, kung saan nabawi ang mga gamit na tinangay niya mula sa mga sasakyan.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang kasabwat ng suspek na tumakas matapos ang insidente.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews