Minimum fare sa trikes sa Lucena
Quezon

Minimum fare sa trikes sa Lucena

Feb 24, 2026, 7:27 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Magkano nga ba dapat ang ibayad sa mga tricycle driver sa Lucena City?

Muling nagpaalala ang Tricycle Franchising and Regulatory Office (TFRO) ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena sa umiiral na minimum na pamasahe sa tricycle alinsunod sa City Ordinance No. 2796, Series of 2022.


Batay sa inilabas na fare matrix, ang regular na pamasahe ay nagsisimula sa ₱20.00 kada pasahero para sa unang dalawang kilometro, habang unti-unting tumataas ang singil depende sa layo ng biyahe.


Para naman sa espesyal o “extra” na biyahe, ang minimum na pamasahe ay ₱60.00 para sa unang dalawang kilometro, na naaayon din sa itinakdang dagdag-singil kada kilometro.


Binibigyang-diin din ng TFRO na may itinakdang diskwento para sa senior citizens, persons with disability (PWDs), at mga estudyante, kapwa sa regular at espesyal na biyahe.


Dalawampung porsiyento ang bawas sa pamasahe ng mga nabanggit na sektor, bilang pagsunod sa mga umiiral na batas at ordinansa para sa kapakanan ng mga benepisyaryo.


Kasabay nito, nagpaalala ang TFRO na may katapat na parusa ang sinumang lalabag sa fare matrix, gaya ng paniningil ng sobra sa itinakda.

May nakalaang multang ₱500 sa unang paglabag, habang ang ikalawang paglabag ay may kaakibat na ₱1,000 multa at pitong araw na suspensyon ng prangkisa.


Kapag umulit pa ang tsuper o operator ng tricycle nang pangatlo at susunod pang paglabag ay maaari itong humantong sa kanselasyon ng kanyang prangkisa.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MinimumFare


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.