Mga taga-Infanta, umalma sa pagpuputol ng puno para sa wind project
Environment

Mga taga-Infanta, umalma sa pagpuputol ng puno para sa wind project

Feb 5, 2026, 5:37 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Malinis na enerhiya - pero pagkasira rin ng kalikasan ang dulot?

Ito ngayon ang sentimyento ng mga residente ng Infanta, Quezon na nagpahayag ng pagtutol sa aplikasyon ng pagputol ng puno para sa isang wind farm project sa Tanay, Rizal.


Sa isang petisyon na inilabas kamakailan, iginiit ng grupong Infanta People's Council na labag sa batas at makasisira ng kalikasan ang balak na pagpuputol ng mga puno ng WINTEX Logistics Corporation (kontratista ng Alternergy) para sa kanilang proyektong Tanay Wind Energy sa Barangay San Andres sa Tanay.


Anila, ang lugar ng pagpuputulan ng puno ay sakop ng "Protected Area" sa ilalim ng Proclamation No. 1636, na may malinaw na layunin na pangalagaan ang Kagubatan ng Sierra Madre na nagsisilbing proteksyon laban sa mga pagbaha at landslide


Nangagamba rin ang mga petitioner sa posibleng epekto nito sa buhay at kabuhayan ng mga residente sa mga barangay ng Dinahican, Binulasan, Abiawin, Ingas, Comon, Batican, Tongohin, Gumian, at Magsaysay.


Bukod pa rito ay hindi rin umano sapat ang naging konsultasyon sa mga apektadong residente, dahilan upang kwestiyunin nila kung tunay ngang nauunawaan ng mga residente ang posibleng epekto ng tree-cutting sa kanilang komunidad.


"Ang Sierra Madre, Ilog Agos, at karagatang bahagi ng Infanta ay dapat pangalagaan para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon sapagkat dito naka depende ang buhay, kabuhayan at kultura naming mga mamamayang Infantahin.Sapagkat ang ng tunay na pag-unlad ay hindi nakasalalay sa pagkasira ng kalikasan kundi sa pangmatagalang pangangalaga dito," giit pa ng grupo.


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.