Mga Quezonin, pinagtitipid sa gasolina
Quezon

Mga Quezonin, pinagtitipid sa gasolina

Mar 12, 2026, 7:15 AM
Russel Roales

Russel Roales

Contributor

Bilang agarang tugon sa pagkaantala ng pandaigdigang suplay ng langis at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina bunsod ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East, naglabas si Governor Angelina “Doktora Helen” Tan ng Executive Order No. DHT-08, Series of 2026 na nagtatakda ng kautusan sa pagtitipid ng konsumo ng gasolina.

Layunin ng kautusan na matiyak ang episyente at responsableng paggamit ng gasolina upang mapanatili ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko sa kabila ng umiiral na hamon sa suplay at presyo ng produktong petrolyo.


Saklaw ng kautusan ang lahat ng departamento, tanggapan, at yunit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, kabilang ang lahat ng government-owned na sasakyan, mabibigat na kagamitan, at iba pang makinang gumagamit ng gasolina.


Gayunman, tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang mga mahahalagang serbisyo gaya ng ambulansya, emergency response, at operasyon sa panahon ng kalamidad, kasabay ng pagpapatupad ng makatuwirang hakbang sa pagtitipid.


Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang pagpapatupad ng vehicle pooling at maayos na trip scheduling upang maiwasan ang dobleng biyahe at masiguro ang maximum na kapasidad ng mga sasakyan.


Uunahin din ang mahahalagang opisyal na lakad habang hinihikayat ang paggamit ng virtual meetings kung maaari.


Inaatasan din ang lahat ng tanggapan na bawasan ang hindi kinakailangang paglalakbay, lalo na ang mga biyahe palabas ng lalawigan, at pagsamasamahin ang mga gawain sa labas ng opisina upang mabawasan ang konsumo ng gasolina.


Mahigpit ding ipatutupad ang regular na preventive maintenance ng mga sasakyan at kagamitan upang mapabuti ang kahusayan sa paggamit ng gasolina. Ang mga sasakyang may kakulangan sa mekanikal na kondisyon ay pansamantalang ipagpapahinto hanggang sa maayos.


Inatasan ang mga pinuno ng bawat tanggapan na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad at monitoring ng kautusan sa kani-kanilang mga yunit.


Sa pamamagitan ng Executive Order No. DHT-08, Series of 2026, ipinapakita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang maagap at responsableng pamamahala upang mapangalagaan ang pondo ng bayan at matiyak na hindi maaantala ang mga serbisyong inaasahan ng mga mamamayan sa gitna ng pandaigdigang krisis sa langis.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.