Ordinaryo man silang maituturing sa mata ng madla, malaki pa rin ang kanilang naiambag para sa sama-samang pag-unlad ng lungsod ng Biñan.
Sampung mga indibidwal at grupo ang binigyang-pugay ng lokal na pamahalaan ng Biñan, Laguna sa kauna-unahang "GEL Awards: Gawad sa mga Natatanging Galing at Epektibong Lingkod ng Biñan" noong February 2.
Ayon kay Mayor Gel Alonte, ang "GEL Awards" ay kumikilala sa mga "boluntaryong tahimik, ngunit tuloy-tuloy ang pagsisilbi" sa lungsod sa pamamagitan ng kanilang pagmamalasakit sa iba't ibang larangan.
Kabilang sa mga binigyang-parangal ay ang mga sumusunod:
- G. Jermaine Matarlo - isang negosyante at aktibong kasapi ng “Kalinga ng AnGEL” Foundation na nagsulong ng sapat na pondo upang matugunan ang pangangailan sa medikal, pangkabuhay at edukasyon ng mga cancer patient sa lungsod.
- G. Ramon Manabat - isang negosyante sa Biñan Public Market na naglunsad ng Kid and Budget Meal Shop na patuloy nagbibigay ng trabaho, dekalidad na produkto, at libreng karne sa mga nangangailangan.
- Gng. Belinda Ignacio - ang focal point person ng Gender and Development (GAD) Office kung saan pinangunahan niya ang mga programa nito na tumutulong sa mga senior citizens, 4Ps beneficiaries, PWDs, kliyente ng BJMP at katutubo upang magbago ang kanilang buhay.
- G. Kenneth Bien - ang founder at president ng grupong Association of Langkiwa Youth Volunteers na may layuning hubugin ang kamalayan ng tao pagdating sa edukasyon, kalusugan, kalikasan, disaster preparedness at leadership development.
- PUP Biñan Central Student Council - ang paglulunsad nila ng iba’t-ibang programa na umabot sa 54 ay nag-resulta sa humigit kumulang 19,670 na mga benepisyaryong mag-aaral dahil sa matagumpay na epekto ng kanilang student profiling.
- Trimex Colleges Student Affairs and Dev't Office - ang kanilang Biñan Bridge Initiative ay nagbigay daan upang magtulong-tulong ang paaralan, pamahalaan at komunidad na tugunan ang pangangailangan sa edukasyon, kalusugan, kultura at kaligtasan ng humigit kumulang 1,839 na mga mag-aaral at iba pang sektor.
- The League of Fraternal Eagles, Inc. -STRXXXVIII - ang panata nilang makatulong sa bayan ay nagbunga ng iba’t-ibang proyekto na layuning magbigay ng agarang tulong at pangmatagalang epekto tulad ng mga medical mission, relief operation at educational program para sa mga kabataan at pamilyang nangangailangan.
- De La Salle University Laguna Campus - ang kanilang Lingap Scholarship Program ay patuloy na nagbibigay ng pag-asa sa mga mag-aaral dahil sa handog nitong full scholarship mula sa Baitang pito hanggang Kolehiyo.
- Lingkod at Pagmamahal ng SMCL Foundation, Inc. - ang kanilang mga inilunsad na programa gaya ng H.E.A.L., CBED at E.A.R.N. ay higit na naramdaman sa mga lugar ng Sitio Balimbing, Barangay San Antonio, Platero at Santo Domingo dahil sa hatid nilang serbisyong pangedukasyon, pangkalusugan, pangkabuhayan, at pangkapaligiran nagdala ng pagbabago at inspirasyon sa mga residente.
- Ilog Mariano Volunteer Group - ang kanilang boluntaryong pagbantay at pangangasiwa ng water pumping ng lokal na pamahalaan ay naging susi sa tuluyang pagkawala ng baha sa mga barangay ng Canlalay, Santo Domingo, San Jose at Dela Paz.
"Ang kanilang mga kwento ay salamin ng diwa ng paglilingkod at patunay na ang pagiging bayani ay hindi nasusukat sa laki ng titulo, kundi sa lalim ng malasakit at katapatan sa bayan," pahayag ng pamahalaang lungsod.
Kabilang si Biñan City Representative Arman Dimaguila sa mga naging tagapagsalita sa naturang gabi.
Dala-dala niya sa kaniyang naging speech ang parehong pagpapahalaga para sa ginawarang indibidwal at organisasyon.
Aniya, mahalaga na isipin kung gaano kalaki ang naiambag nilang tulong sa mga tao at lungsod.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #GELAwards

