Mga MSMEs, binigyang-pagkilala sa Laguna
Provincial News

Mga MSMEs, binigyang-pagkilala sa Laguna

Mar 25, 2024, 3:42 AM
Catherine Go

Catherine Go

Writer/Photographer

Sa kabila ng pag-usbong ng mga malalaking industrial at commercial complex sa lalawigan ng Laguna, malaki pa rin ang ambag ng mga maliliit at tradisyunal na negosyante sa pag-unlad ng lalawigan.

Ito ang binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna sa ginanap na Laguna Business Stakeholders Convention and Innovation Summit sa Santa Cruz noong March 15.


Ang naturang convention ay bahagi pa rin ng isang linggong pagdiriwang ng Anilag (Ani ng Laguna) Festival ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna mula March 10 hanggang 17.



Kasama sa mga nakibahagi sa nasabing pagtitipon sina Senador Imee Marcos at Mark Villar, Laguna Governor Ramil Hernandez, Vice Governor Karen Agapay, 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez, at Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Domingo Tolentino.


Sa kanyang naging talumpati, binigyang-diin ni Governor Hernandez ang naging kontribusyon ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa muling pagbangon ng lokal na ekonomiya ng lalawigan mula sa pandemiya ng Covid-19.



"Patuloy kayong makakaasa na ang mga taxes na inyong ibinabayad sa ating lalawigan ay ginugugol natin nang tama at totoo na nakikita at napapakinabangan sa pag-unlad ng ating lalawigan," pahayag pa ng gobernador.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit napagpasyahan ng Laguna LGU na gawing parte ng Anilag Festival ngayong taon ang pagpaparangal sa mga negosyante at LGUs na nagpamalas ng angking husay sa pagpapalago ng ekonomiya ng lalawigan, ayon kay Hernandez.


Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), aabot sa 5 porsiyento ang iniambag ng Laguna sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas noong 2022, ang pinakamataas sa mga lalawigan sa bansa.

#WeTakeAStand #OpinYon


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.