Mga magsasaka nanawagan sa gobyerno na proteksyunan ang kabuhayan sa WHO tobacco control conference
Agriculture

Mga magsasaka nanawagan sa gobyerno na proteksyunan ang kabuhayan sa WHO tobacco control conference

Feb 5, 2024, 2:33 AM
Chit Luna

Chit Luna

Writer

Kasunod ng pag-anunsyo ng limang taong roadmap ng Department of Agriculture (DA) para palawakin ang produksyon ng tabako sa bansa, nanawagan ang mga magsasaka ng tabako sa mga opisyal na ipagtanggol ang kanilang kabuhayan sa darating na kumperensya ng World Health Organization (WHO) para talakayin ang pandaigdigang kasunduan sa pagkontrol sa tabako.

Habang naghahanda ang mga delegado na magpulong para sa WHO Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) Conference of the Parties (COP), nagpahayag ng pagkabahala ang mga magsasaka tungkol sa potensyal na epekto nito sa kanilang kabuhayan. Ang COP ay may mahalagang papel sa paghubog ng mga pandaigdigang patakaran sa tabako.


“Malalim ang pagkakaugnay ng ating buhay sa pagsasaka ng tabako. Ito ay isang paraan ng pamumuhay sa gitna ng malupit na hamong pang-ekonomiya. Sinusuportahan nito ang ating mga magsasaka, ang mga umaasa sa kanila at ang komunidad. Sa roadmap ng DA na nagpapatunay sa pangmatagalang suporta nito para sa pagsasaka ng tabako, umaasa kami na isasapuso ng gobyerno ng Pilipinas ang pangakong iyan sa pagtatagumpay ng ating industriya sa darating na COP,” sabi ni Leonardo Montemayor, dating kalihim ng Department of Agriculture (DA) at board chairman ng Federation of Free Farmers (FFF).


Hinamon naman ni Philippine Tobacco Growers Association (PTGA) president Saturnino Distor ang delegasyon ng Pilipinas sa COP na epektibong isulong ang interes ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsunod nito sa roadmap ng DA—ang Sustainable Tobacco Enhancement Program (STEP).


Ang STEP ay isang estratehiya ng DA para palakasin ang katutubong pagtatanim ng tabako partikular na sa Mindanao.


“Kita naman sa STEP na may kinabuksan ang pagsasaka ng tabako dito sa Pilipinas. Lalo at meron na ngayong mas safe na alternatibong produktong may tabako tulad ng vapes at e-cigarettes. Ayon sa mga pagaaral at siyensya, itong mga makabagong produkto ay mas mabuti kumpara sa sigarilyo. Dito papunta ang industriya kaya’t may pag-asa kaming magtutuloy-tuloy lang ang pagsasaka ng tabako satin,” sabi ni Distor.


Ang WHO FCTC ay isang internasyonal na kasunduan para sa pagkontrol sa tabako na pinamamahalaan ng COP na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa na lumagda sa kasunduan. Magpupulong ang mga kinatawan sa Panama sa Pebrero 5 hanggang 10 upang idaos ang ika-10 kumperensya nito at talakayin ang pagpapatupad ng kasunduan.


Ang COP 10 ay naglalayong talakayin ang mga isyu na nakakaapekto sa regulasyon ng tabako at pandaigdigang kalusugan ng publiko, na may partikular na pagtuon mga mgakabago at umuusbong na mga produktong tabako at nikotina.


Ang WHO FCTC, gayunpaman, ay binatikos ng mga internasyonal na eksperto sa kalusugan ng publiko dahil sa lubhang mahigpit na mga patakaran nito laban sa mga bagong produktong tabako at sa pagbalewala nito sa “harm reduction strategies” na kabilang sa mga pangunahing haligi ng pagkontrol sa tabako..


Sinabi ni Distor na ang pagtatanim ng tabako ang bumubuhay sa milyon-milyong magsasaka at sa kanilang mga pamilya kasama na ang mga mangagawang kabilang sa industriyang ito. “Hindi madaling mag-iba ng pananim dahil sa malaking kapital na kailangang ilabas para sa panibagong imprastraktura. Kung nanganganib ang kinabuksan ng alternatibong produkto, paano na ang kinabuksan naming mga magsasaka? Kaya umaapila kami na mapanindigan ang mga polisiya na may malasakit at maka-tao,” aniya.


Sa layuning iangat ang sektor ng tabako at tiyakin ang pagpapatuloy ng industriya ng tabako sa bansa, inilunsad kamakailan ng National Tobacco Administration (NTA) ng DA ang STEP. Sa paglulunsad nito, sinabi ni DA Undersecretary Deogracias Victor Savellano na malaki ang maitutulong ng industriya sa lokal na ekonomiya habang tinitiyak na mapanatili ang kabuhayan ng mga magsasaka ng tabako.


Binigyang-diin din ni Savellano ang potensyal sa pag-export ng katutubong tabako na may kapasidad na palakasin ang foreign exchange ng Pilipinas.


Ayon sa NTA, ang sektor ng tabako ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kabuhayan ng mahigit 2.1 milyong manggagawang Pilipino at may malaking kontribusyon sa kita ng gobyerno, na kumulekta ng P160 bilyon na excise tax noong 2022.

#OpinYon8 #OY8 #DA #WHO #Agriculture #Tobacco #FCTC #Farmers #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.