Walang dapat ipag-alala ang publiko sa pagkain ng mga tawilis at iba pang isdang nahuhuli mula sa Taal Lake.
Ito ang tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kasunod ng alegasyon ng isang whistleblower na umano'y ibinaon sa lawa ang mga bangkay ng mga sabungero na nawawala simula pa noong 2022.
Sa isang pahayag, sinabi ni BFAR Calabarzon Regional Director Sammy Malvas na imposible umanong makakain ng mga parte ng katawan ng tao ang mga tawilis at iba pang isda na nahuhuli sa lawa.
“Maraming isda ang nahuhuli sa Taal Lake, at pangunahin na rito ang tawilis. Ito ay tinatawag na planktivore o isdang kumakain ng plankton o maliliit na organismo, kaya’t wala itong posibilidad na kumain ng nabubulok na bagay,” aniya.
Samantala, ang mga tilapia at bangus na pinapalaki sa Taal Lake ay nakakulong sa mga fish pen at pinapakain ng mga commercial feeds.
Habang maituturing naman na carnivore ang isa pang isda na nahuhuli sa lawa, ang maliputo, mga maliliit na isda ang kinakain nito at hindi bulok na laman, dagdag ni Malvas.
Ayon naman sa mga mangingisda sa Taal Lake, hindi naman umano naapektuhan ng mga alegasyon na may mga bangkay na itinapon sa lawa ang bentahan ng mga tawilis at iba pang isda mula sa lawa.
“Kami pong mangingisda ng tawilis ay wala namang napupunang pagbawas ng bilang ng mamimili nito, sapagkat lahat ng aming huli araw-araw ay ubos agad at pinapakyaw ng mga mag-iisda,” pahayag ni Nelson Faminiano, isang mangingisda mula sa Santa Teresita, Batangas.
Ang tawilis (Sardinella tawilis) ay isang uri ng isda na matatagpuan lamang sa Taal Lake, at siyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa nasabing lawa.
(Ulat mula sa Philippine Information Agency)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews