Mga estudyante, sinanay sa bamboo carving
OpinYon Laguna

Mga estudyante, sinanay sa bamboo carving

Sep 30, 2024, 7:19 AM
Opinyon Laguna News Team

Opinyon Laguna News Team

Writer

Isa sa mga kilalang cottage industry sa lalawigan ng Laguna ay ang paglililok mula sa kahoy o wood sculpture.

Ang bayan ng Paete ay nakilala dahil sa tanging sining na ito ng wood carving, na karaniwan ay sumesentro sa mga religious motif.


Subalit nanganganib na mawala ang katutubong yamang-sining na ito sa lalawigan ng Laguna. Bukod sa tumatanda at pumapanaw ang mga "old-time" na mga manlililok sa lalawigan, hindi na rin masyadong binibigyang-pansin ang naturang sektor ng mga kabataan, lalo na sa makabagong panahon.


Ngunit naniniwala ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna, sa pangunguna ng Field Agricultural Extension Services - Office of the Provincial Agriculturist (FAES-OPAg), na maaari pang mapagkunan ng sustainable livelihood sa lalawigan ang paglililok sa kahoy.

At saan nga ba mas angkop na maipasa ang naturang yamang-sining kundi sa mga kabataan?


Ito ang pangunahing dahilan ng ginawang pagsasanay kamakailan sa bamboo carving sa mga estudyante ng Laguna University sa Santa Cruz mula September 23 hanggang 27.

Pinangunahan ng mga eksperto mula sa Bamboo Professionals, Inc. at National University of Singapore katuwang ang Laguna University at FAES-OPAg ang naturang pagtuturo at pagsasanay sa paglililok sa kawayan.


Ayon sa FAES-OPAg, layunin ng pagsasanay na ito na magkaroon ng dagdag na kaalaman at kasanayan ang mga kalahok patungkol sa bamboo carving at maging dagdag pagkakakitaan.


Nais rin ng tanggapan na mahikayat ang Laguna University at iba pang institusyon na ibilang ang bamboo carving sa kurikulum sa mga paaralan upang maipasa sa mga susunod na salinlahi ang pamanang sining ng Laguna.



#WeTakeAStand #OpinYon #FAESOPAg


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.