Patuloy na isabuhay at isadiwa ang mga naiwang aral ni Dr. Jose Rizal, ang Pambansang Bayani.
Ito ang naging pangunahing mensahe sa pagdiriwang ng ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani sa Calamba City, Laguna nitong Miyerkules, June 19.
Nag-alay ng bulaklak sa Museo ni Jose Rizal sina Senator Imee Marcos bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., Calamba City Mayor Roseller "Ross" Rizal, Laguna Governor Ramil Hernandez, Vice Governor Karen Agapay, 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez, Calamba City Representative Charisse Anne Hernandez-Alcantara, Vice Mayor Angelito Lazaro Jr., mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Barangay, at Kabataan, National Commission for Culture and the Arts, at mga pribadong grupo sa lungsod, sa bantayog ni Rizal sa Rizal Shrine kung saan isinilang at lumaki ang pambansang bayani.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga nabubuhay na kaanak at angkan ni Dr. Jose Rizal, sa pangunguna ni Gemma Cruz-Araneta, na nagbahagi ng kani-kanilang mga kwento tungkol sa pambansang bayani at sa kanyang pamilya.
Bilang panauhing pandangal, sinabi ni Senador Marcos na mahalagang patuloy na isadiwa ang mga aral ni Rizal, kagaya na lamang ng mapayapang pagkilos laban sa mga kalaban, na dapat aniyang tularin sa patuloy na paglilingkod sa bayan.
Binanggit naman ni Mayor Rizal na ang taunang pag-alala sa kabayanihan ni Rizal ay mahalaga upang patuloy pang maipakilala si Rizal at apat pang mga bayani mula sa Calamba sa mga kabataan na siyang itinuturing na mga pag-asa ng bayan.
Hinimok rin niya ang bawat isa na patuloy na paunlarin ang kaalaman sa larangan ng sining, pangangalaga sa kalusugan, at pagyamanin ang pag-unawa sa kasaysayan at kultura ng lungsod.
Si Mayor Rizal ay apo sa talampakan ni Patricio Rizal, na ayon sa kwento ng pamilya ay "half-brother" ng pambansang bayani.
(Larawan mula kay Lhouzyline Zhaireel Saban)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews