Isang pirasong bakal ang naging kabayaran sa isang pirasong bakal.
Isang 16-anyos na binata ang binaril sa loob mismo ng barangay hall sa Cabuyao City, Laguna dahil lamang umano sa ninakaw na steel bars noong September 9.
Batay sa ulat ng Cabuyao City Police Station, inimbitahan sa barangay hall ng Marinig sa naturang lungsod ang biktima na kinilalang si alyas "Dadoy" upang kuwestiyunin dahil umano sa pagkakasangkot nito sa pagnanakaw ng steel bars.
Sa gitna ng imbestigasyon ng mga opisyal ng barangay ay pumasok sa loob ng barangay hall ang 44-anyos na suspek na umano'y nakainom ng alak.
Siya rin umano ang pinagnakawan ng steel bars, ayon pa sa pulisya.
Walang anu-ano'y pinagbabaril na lamang umano ng suspek si "Dadoy," na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.
Kaagad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap na ngayon sa kasong murder.
Kinuwestiyon naman ng pamilya ng biktima ang naging umano'y pagkukulang ng mga opisyal ng barangay na hindi umano nagawang pigilin ang pamamaril ng suspek sa loob pa mismo ng barangay hall.
(Larawan mula sa Cabuyao City Police Station)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews