Sa hirap ng buhay ngayon, sino ba naman ang hindi mae-engganyong pumasok sa pagbebenta ng food products?
Pero paalala ng isang major food manufacturer, huwag basta-basta maniniwala sa mga kakatok sa tahanan ninyo at mag-aalok sa inyo na maging retail seller ng kanilang mga produkto.
Sa isang advisory, nagbabala ang Mekeni Food Corporation, isang kilalang manufacturer ng meat products na nakabase sa Pampanga, laban sa mga nagpapanggap umanong mga sales agents nila na naglipana na sa Laguna province at iba pang bahagi ng Luzon.
Ayon sa Mekeni, bukod sa walang awtorisasyon ang nasabing mga indibidwal na nagbabahay-bahay at nag-aalok umano ng kanilang mga produkto ay may posibilidad pang peke ang mga meat product na ibinebenta nila, bagay na posibleng makaapekto sa kalusugan ng mga bumibili.
"We take this matter seriously as it affects not only our business but also the trust of our loyal customers and partners. We urge everyone to remain vigilant and only transact with verified Mekeni representatives," ani Paulo Orfinada, Head of Sales ng Mekeni.
Hinihikayat ng Mekeni ang mga consumer na makipag-ugnayan sa kanilang hotline (+639 45 458 0000 local 3707) upang i-verify ang authenticity ng kanilang mga sales agent.
Iginiit rin nila na hindi nanghihingi ng advance payment ang kanilang mga lehitimong sales agent sa mga nagnanais magbenta ng kanilang mga produkto.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews