Hindi lang para sa mga tao ang “medical mission.” Ito ang nais iparating ng Office of the Provincial Veterinary sa isinagawa nitong Veterinary Medical Mission sa Calauag, Quezon kamakailan.
Pinangunahan ni Dr. Camille Calaycay katuwang ang Office of the Municipal Agriculturist ng Calauag sa pamumuno ni Municipal Agriculturist Maybel Espino ang nasabing aktibidad sa Barangay Tiniguiban.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mga alagang hayop ng mga mamamayan sa nasabing barangay, kabilang ang pagbabakuna, konsultasyon, at pamimigay ng mga gamot sa nasabing barangay na may kalayuan mula sa mismong bayan ng Calauag.
Sa kabuuan, siyam na aso ang nabakunahan laban sa rabies habang umabot naman sa 1,302 na hayop ang nakonsulta sa isinagawang medical mission.
Nakinabang din ang 122 na residente mula sa naturang medical mission.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob sa aktibidad ang anti-rabies vaccination, deworming, konsultasyon, at pamimigay ng bitamina at iba pang gamot para sa mga alagang hayop.
Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang responsableng pag-aalaga ng hayop at ang pagpapanatili ng kalusugan ng mga alagang hayop sa komunidad.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
