Nakuha na ba ninyo ang inyong National ID?
Ito ang tiyak na magiging katanungan ng maraming mga residente ng Calabarzon, matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot na sa 12 milyong Calabarzon residents ang nakapagtala na sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ayon sa inilabas na datos ng PSA-Calabarzon, umabot na 12,564,355 residente ng rehiyon - o katumbas ng 77 porsiyento ng 16 milyong populasyon ng Calabarzon - ang nakapagrehistro sa PhilSys mula sa unang araw ng implementasyon nito hanggang sa unang tatlong buwan ng 2024.
"Ang tagumpay na ito ay isang malaking hakbang patungo sa layunin nating makapaghatid ng serbisyong mas episyente at abot-kaya sa bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng PhilSys, mas napapadali natin ang pag access sa mga serbisyong pampubliko at pribado, at napapalakas ang seguridad at integridad ng ating mga transakyon," naging pahayag ni PSA-Calabarzon Regional Director Charito Armonia.
Isyu sa pamamahagi ng ID
Ngunit sa kabila nito, humigit-kumulang kalahati pa lamang ang naidi-distribute na mga National ID sa mga indibidwal na nakapagrehistro sa PhilSys.
Sa kasalukuyan, aabot sa 6,265,732 na ang mga naipamahaging PhilID cards sa mga rehistradong indibidwal, ayon sa PSA.
Sa San Pedro City, Laguna, ay umabot sa 90,000 na mga PhilID ang nakatambak lamang umano sa PhilPost San Pedro branch sa Barangay Pacita I, bagay na inireklamo ng maraming mga nagparehistro na sa PhilSys.
Ayon kay Postmaster Gemma Medallon ng San Pedro Post Office, kailangan aniyang dumaan sa proseso ang mga national ID na dumarating sa kanilang tanggapan bago ito maipamahagi sa mga may-ari nito.
Sa isang video na inilabas ng San Pedro City Public Affairs and Information Office (PAIO), ipinaliwanag ni Medallon na kailangan pang i-segregate ng mga kartero ang mga national ID at may mga papeles pa at legal documents na kailangang ayusin bago ito tuluyang mai-deliver.
"Hindi natin pwedeng sabihin na nakatambak lamang po ito, may proseso po itong dinadaanan bago po natin ito maibigay at tuluy-tuloy po namin itong ginagawa dahil hindi po pwede na hindi kami aaksyon," aniya.
#WeTakeAStand #OpinYon #PAIO #NationalID #PSA #PhilSys