CALAMBA CITY — Isang 45-anyos na lalaki ang arestado matapos umanong nakawin at "katayin" ang isang motorsiklo sa Calamba City, Laguna noong January 31.
Kinilala ng Calamba City Police Station ang suspek na si alyas "Rolando," residente ng Purok 1, Barangay San Juan ng lungsod na ito.
Dinakip ang suspek sa kanyang bahay matapos siyang ireklamo ng biktima na kinilalang si alyas "John," 26 anyos at residente ng Barangay Cinco, Calamba City, Laguna.
Ayon sa salaysay ni "John," napilitan siyang i-park ang kanyang pink na Yamaha Mio motorcycle sa gilid ng kalsada sa Barangay San Juan matapos itong masira bandang 2:00 ng hapon noong January 28.
Nang balikan niya ang lugar makalipas ang tatlong araw noong January 31 ay doon na niya napansin na nawawala na ang motorsiklo, dahilan upang magreport siya sa mga pulis.
Natunton naman ang suspek batay sa CCTV footage sa naturang lugar, kung saan nakita siya habang itinutulak ang motorsiklo papunta sa kanyang bahay.
Nang magpunta ang mga pulis sa bahay ng suspek ay doon na nila nakita na pinagkakalas na ng suspek ang motorsiklo at itinago ang mga bahagi sa iba't ibang parte ng kanyang bahay.
Nakakulong na si "Rolando" sa Calamba City Police Station habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) laban sa kanya.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews