Isang mangingisda ang nalunod sa bahagi ng Laguna de Bay sakop ng Victoria, Laguna noong nakaraang Martes, June 30.
Hindi na umabot nang buhay sa Victoria Rural Health Unit ang biktima na kinilala lamang sa alyas na "Fermin," residente ng Barangay Nanhaya ng nasabing bayan.
Ayon sa salaysay ng mga kaanak ng biktima, bandang alas-singko ng hapon ng Martes nang umalis mula sa kanilang bahay ang biktima sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan upang tingnan ang kanyang bangkang pangisda.
Nang hindi bumalik ang biktima ay kaagad siyang hinanap ng mga kaanak at kapitbahay.
Bandang 7:30 na ng gabi nang matagpuan ng ilang mga residente ang biktima sa baybayin ng lawa, sa tabi ng kanyang bangka.
Ayon sa doktor na sumuri sa biktima, posibleng nalunod umano ang biktima habang inaayos ang kanyang bangka sa gitna ng pag-ulan.
Tumanggi naman ang mga kaanak ni "Fermin" na isailalim sa autopsy ang kanyang bangkay, sa paniniwalang walang naganap na foul play sa kanyang pagkasawi.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

