Mandanas Ipinagdiwang Ang Kaarawan
Local Government

Mandanas Ipinagdiwang Ang Kaarawan

Kasama Ang Mga Volunteer Workers

Apr 8, 2024, 7:11 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

Tinatayang nasa mahigit 15,000 na mga volunteer workers mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Lalawigan ng Batangas ang nagpaabot ng kani-kanilang pagbati at nakiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ni Gov. Hermilando Mandanas noong ika-25 ng Marso sa Capitol Compound ng Batangas City.

Pinili ni Mandanas na isabay sa kaniyang mismong kaarawan ang pamamahagi ng honorarium para sa mga sectoral volunteers at leaders na nagsisilbing katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa paghahatid ng serbisyo publiko sa bawat komunidad sa lalawigan.

Kabilang sa mga sektor ng volunteer workers na nagtungo sa Kapitolyo ng probinsya ay mula sa hanay ng mga Senior Citizens, Persons with Disabilities, Child Development Workers, Parent Leaders, Barangay Tanod Chief, Barangay Health Workers, at Barangay Nutrition Scholars.

P30.6 M Ipinamahagi

Umabot sa mahigit ₱30.6 milyon ang naipaabot ng pamahalaang panlalawigan na halaga ng 1st quarter allowance sa mga barangay volunteers, ayon sa gubernador base sa talaan ng Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Public Order and Safety Department, at Provincial Health Office,

Sa kaniyang naging mensahe, taos-pusong pinasalamatan ng gobernador ang lahat ng mga dumalo sa isinagawang maikling programa para sa kaniyang kaarawan.

Nagpasalamat din si Mandanas sa lahat ng mga volunteer workers dahil sa maayos at mabilis na pagpaparating ng mga kinakailangang tulong sa mga barangay.

Ipinunto rin ni Mandanas ang kaniyang malalim na pagnanais sa patuloy na pagtulong sa kapwa, na patunay aniya sa kaniyang tuloy-tuloy na paghimok sa mga mamumuhunan o investors para mas lumakas pa ang ekonomiya ng lalawigan.

“[Ito ay] pasimula ng bago na namang pahina sa ating buhay at lagi ko kayong makakasama. Lagi akong magpapasalamat sa inyo. Simula pa ng mahaba pa nating lakbayin, marami pa tayong dapat gawin,” ayon kay Gov. Mandanas.


Dagdag pa niya, “…sa dami ng biyaya, sa dami ng pagpapala, sa dami ng ibinibigay sa atin, gusto ko na tunay na bigyang-diin, na nasa puso, damdamin ng Governor DoDo Mandanas, ang akin ding pananagutan…sabi nga kapag meron tayong tinanggap, meron ding dapat ibalik. Alam kong mabigat ang ating tatahakin, pero kung kasama ko kayo [mga Batangueño] at sa tulong at awa ng Panginoon, magpapatuloy ang ating pagganap [sa tungkulin].”


Samantala, bukod sa mga sectoral at volunteer workers ng probinsya, personal ding bumati sa kaarawan ni Mandanas ang mga miyembro ng Sanggnuniang Panlalawigan, sa pangunguna ni Vice Gov. Mark Leviste, ilang mga kinatawan sa kongreso, mga city and municipal chief executives, mga tagapamuno ng iba’t ibang ahensya, at mga kawani at opisyal ng pamahalaang panlalawigan.


Bago ang ginanap na pagdiriwang, inumpisahan muna ito sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang Banal na Misa at lingguhang pagpupugay sa bandila ng Pilipinas.

#WeTakeAStand #OpinYon


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.