Makulay na pagdiriwang ng ika-14 Cityhood Anniversary ng Cabuyao
Celebrations and Festivals

Makulay na pagdiriwang ng ika-14 Cityhood Anniversary ng Cabuyao

Aug 13, 2026, 1:14 AM
Christian Magdaraog

Christian Magdaraog

Writer

Halos isang linggo na kasiyahan ang hatid ng 14th Cityhood Anniversary ng Cabuyao dahil sa sunod-sunod na handog ng lokal na pamahalaan para sa mga residente.

Tampok sa mga inihandang nilang programa ay may layuning isulong ang sports, kultura, edukasyon, at pagkilala sa mga natatanging Cabuyeño.


Sabay-sabay na ipinagdiwang ng mga Cabuyeño ang makasaysayang araw ng August 4, 2012, ang araw kung saan ginanap ang plebisito na nagpapatibay sa Republic Act No. 10163 na pinirmahan ng yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na nag-angat sa Cabuyao sa pagiging lungsod.


Sa araw na iyon, 22,132 o 89.71 porsiyento ng 24,670 na mga Cabuyeñong bumoto sa nasabing plebisito ang pumayag sa pagiging component city ng Cabuyao.



Mga aktibidad


Pormal na sinimulan ang pagdiriwang noong August 1 sa Bagong Cabuyao 14th Cityhood Fun Run 2026, kung saan daan-daang residente ang nakiisa sa pagtakbo bilang simbolo ng isang mas malusog at mas nagkakaisang komunidad.


Hindi nagpahuli ang ikalawang araw ng selebrasyon matapos idaos ang Bike Fun Ride, kasabay ng Bagong Cabuyao Academic Excellence Award, na nagbigay-pugay sa mga mag-aaral na nagpamalas ng kahusayan sa akademya.


Noong Agosto 3, naging sentro naman ng atensyon ang talento ng mga Cabuyeño sa Hain ng Nayon Cooking Contest at Photography Contest, na nagbigay ng pagkakataong maipakita ang husay sa pagluluto at malikhaing pagkuha ng larawan.


Sa mismong Cityhood Day noong August 4, nagsimula ang pagdiriwang sa isang banal na misa bilang pasasalamat sa mga biyayang natamo ng lungsod sa loob ng labing-apat na taon.


Sinundan ito ng Badminton Tournament, habang nagpatuloy ang diwa ng kompetisyon noong August 5 sa Pickleball Tournament, isa sa mga mabilis na sumisikat na sports sa bansa.


Pagdating naman noong August 10, kinilala ng lungsod ang mga mamamayan at negosyanteng nag-ambag sa pag-unlad ng lungsod, sa pamamagitan ng Taxpayers’ Night 2026.


Inaasahang kikilalanin sa naturang gabi ang mga indibidwal at negosyo na naging tapat sa pagbabayad ng buwis at malaki ang naitulong sa patuloy na pag-unlad ng Cabuyao.


(Mga larawan mula sa Mayor Dennis DENHA Hain/Facebook)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.