Makalipas ang isang taon... Perang nawala, naibalik sa Santa Rosa
Public Service

Makalipas ang isang taon... Perang nawala, naibalik sa Santa Rosa

Mar 21, 2024, 5:41 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Hindi inakala ng isang residente ng Santa Rosa City, Laguna na maibabalik pa ang perang naiwala niya noon pang nakaraang taon.

Kaya naman laking pasasalamat niya sa isang traffic aide na nagsauli ng kanyang pera na aabot sa P2,300 ngayong Biyernes, March 8.



Ayon sa salaysay ni Shiela Mae Magana, residente ng Barangay Sinalhan, January 2023 pa noong nawala ang pera na nai-withdraw niya mula sa isang bangko sa naturang lungsod.


Kuwento niya, nag-withdraw siya ng pera sa Maybank na nasa harap lamang ng City Plaza. Pagkatapos nito, agad siyang pumunta sa palengke upang mamili. Ngunit nang siya ay magbabayad na, doon lamang niya napansin na nawawala na ang kanyang pera.


Makalipas ang isang taon, nakita niya ang isang post sa "Lost and Found Items" Facebook page ng Santa Rosa City government kung saan napulot umano ang naturang halaga ng pera ni Traffic Aide Daniel Dalmacio ng City Traffic Management and Enforcement Unit (CTMEU) noong buwan ding iyon.



Kaagad nagpunta si Magana sa tanggapan ng CTMEU sa Santa Rosa City Hall, kalakip ang isang Statement of Account mula sa bangko na nagpapatunay na siya ay nag-withdraw ng P2,300.


"Nagpapasalamat ako sa kabutihan ng traffic enforcer na nakakita ng pera. Lubos akong nagpapasalamat dahil kahit matapos ang isang taon, nakuha ko pa rin ito," pahayag niya.

Photo courtesy: Santa Rosa City Government FB Page

#WeTakeAStand #OpinYon


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.