Tuloy-tuloy na kaya ang ligtas at de-kalidad na kalsada para sa mga biyahero, o panandaliang ginhawa lamang ito?
Pormal nang sinimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbubuhos ng semento sa isang bahagi ng Maharlika Highway sa bayan ng Gumaca, Quezon nitong Linggo, March 1.
Bahagi ito ng malawakang rehabilitasyon na naglalayong tugunan ang lumalalang kondisyon ng kalsada na matagal nang inirereklamo ng mga motorista dahil sa sunud-sunod na aksidente.
Ang proyektong ito ay kabilang sa mga pangunahing binigyang-pansin ni DPWH Secretary Vince Dizon sa kanyang kamakailang pagbisita sa lalawigan.
Binanggit ni Dizon na prayoridad ng ahensya ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway, bilang tugon sa mga ulat ng madalas na aksidente na ikinababahala ng mga residente at biyahero sa rehiyon.
Ayon sa DPWH, layunin ng proyekto na mapabuti ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista at lokal na mamamayan.
Target din ng ahensya na matapos ang konstruksyon bago ang Semana Santa, kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero papuntang probinsya.
Naniniwala ang DPWH na makatutulong ang matibay na kalsada upang maiwasan ang mga insidente at matiyak ang mas ligtas na paglalakbay ng publiko, lalo na sa mga panahong kritikal ang daloy ng trapiko.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

