Listong aksyon at determinasyon ang naging sandata ng isang barangay tanod sa paghuli sa isang armadong suspek sa Calamba City, Laguna noong Lunes, June 29.
Kinilala ng Calamba City Police Station ang suspek na si alyas "Jonas," 24 anyos at residente ng Barangay Masili ng nasabing lungsod.
Sa paunang ulat, isang hindi pinangalanang barangay tanod ng Masili ang nagpapatrulya sa nasabing barangay bandang alas-dos ng madaling-araw ng Lunes nang maabutan nila ang suspek na naglalakad sa kalsada at may dalang shoulder bag.
Nang sitahin ng barangay tanod ang suspek ay bigla siyang tinutukan ng baril, dahilan upang umatras ang tanod.
Tumakbo umano si alyas "Jonas" papunta sa isang kubo sa Barangay Sucol, kung saan siya tuluyang nasukol ng tanod.
Dinala sa barangay hall ng Masili ang suspek ngunit nagtangka ulit siyang tumakas.
Nang muli siyang mahuli ng mga barangay tanod ay kaagad na siyang dinala sa himpilan ng pulisya.
Narekober mula kay alyas "Jonas" ang isang kalibre .45 pistol at walong piraso ng bala.
Ayon naman sa mga barangay tanod, notoryus umanong magnanakaw ang suspek na nasangkot na sa ilang mga insidente sa nasabing barangay.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10951 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regularion Act) at grave threat si alyas "Jonas" na nakakulong na ngayon sa Calamba City police station.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

