Limang mga magnanakaw ang umano'y nagpanggap na mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang makapanloob sa isang bahay sa San Pedro City, Laguna noong November 6.
Sa ulat ng San Pedro City Police Station, naganap ang nasabing insidente sa isang bahay sa Barangay Pacita 1 bandang alas-tres ng umaga nang araw na iyon.
Sa pagsisiyasat ng mga imbestigador, biglang nagpunta ang mga kawatan sa nasabing bahay at tinutukan ng hindi pa malamang kalibre ng baril ang mga tao sa loob.
Kasabay nito ay nagpakilala silang mga tauhan ng PDEA na magsisilbi umano ng warrant of arrest sa isa sa mga nakatira sa loob.
Pagpasok nila sa nasabing bahay ay saka tinali ang mga nakatira sabay limas sa hindi pa matukoy na halaga ng cash at mga personal na gamit ng mga biktima.
Kaagad tumakas ang mga suspek matapos ang nasabing krimen.
Nagpayo naman ang mga awtoridad sa publiko na huwag agad papasukin ang mga taong nagpapakilalang mga pulis o iba pang kasapi ng law-enforcement agencies, lalo na kung hindi sila naka-uniporme at walang maipakitang warrant of arrest, search warrant o iba pang katibayan na lehitimo ang kanilang operasyon.
#WeTakeAStand #OpinYoN #OpinYonNews #PDEA #Robbery