Babala sa mga maybahay: huwag agad-agad magpapasok ng mga taong hindi kilala, kahit na magpakilala pa silang government employees.
Ito ang paalala ng mga awtoridad matapos ang isang insidente ng panloloob sa isang bahay sa Santa Rosa City, Laguna noong nakaraang Lunes, January 20.
Sa ulat ng Santa Rosa City Police Station, naganap ang nasabing insidente bandang alas-nwebe ng umaga sa isang private subdivision sa Barangay Caingin ng naturang lungsod. Ayon sa dalawang biktima na kinilala sa mga alyas na "Shiela" at "Johcel," tatlong lalaki ang kumatok sa kanilang bahay at nagpakilala bilang mga empleyado ng pamahalaang lungsod ng Santa Rosa na nagsasagawa umano ng census. Ngunit nang papasukin na nila ang mga lalaki sa loob ng bahay ay doon na umano bumunot ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga suspek ang aabot sa P10.5 milyong halaga ng cash, alahas at gadgets mula sa mga biktima at pagkatapos ay tumakas papunta sa direksyon ng Barangay Malusak. Isang follow-up operation na ang isinasagawa ng mga awtoridad upang madakip ang mga suspek.
Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews