Sirang tarpaulin ang naging mitsa ng isang insidente ng pananaksak sa Cabuyao City, Laguna sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Pepito" nitong nakaraang Linggo, November 17.
Naka-confine ngayon sa ospital ang biktima na kinilala lamang bilang si alyas "Angelo," 24 anyos at residente ng Barangay Mamatid, Cabuyao City.
Batay sa ulat ng Cabuyao City Police Station, kapwa umano lango sa alak ang biktima at ang suspek na kinilalang si alyas "Julian," 39 anyos at residente rin ng Barangay Mamatid, nang magkaharapan sila at nagtalo ukol sa isa umanong nasirang tarpaulin.
Nauwi umano sa suntukan ang pagtatalo ng dalawang magkakapitbahay hanggang sa bigla silang tumigil at nagsiuwian.
Inakala ng mga kapitbahay nila na tapos na ang sigalot ngunit umuwi lamang pala ang dalawa upang kumuha ng kanya-kanyang patalim.
Isang saksi na kinilala bilang si "Mary Ann" ang nagtangka pang umawat sa biktima ngunit hindi na niya napigilian ang pagkokomprontahan ng dalawa.
Papalakad na umano sa bahay ng suspek si "Angelo" nang bigla siyang inundayan ng saksak sa tiyan ng suspek.
Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima habang naaresto naman si "Julian" sa isang follow-up operation.
Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #Crimes