Nauwi sa malagim na krimen ang masayang inuman ng apat na residente ng Barangay Balibago, Santa Rosa City, Laguna nitong Linggo, June 2.
Batay sa ulat ng Santa Rosa City Police Station, nasawi ang isa sa mga biktima na kinilalang si Emilio Ciabo Tolitol, 53 anyos at residente ng Barangay Pooc sa nasabing lungsod, matapos pagsasaksakin ng dalawang suspek na umano'y nakaalitan niya.
Patuloy namang ginagamot sa ospital ang nakatatanda niyang kapatid na kinilala namang si Danilo Ciabo Tolitol, 58 anyos at residente ng Barangay Balibago.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakikipag-inuman umano ang magkapatid kasama ang dalawang suspek na kinilala lamang sa mga alyas na "Ernie" at "Jojo" nang nagkaroon umano sila ng mainitang pagtatalo.
Nagpunta umano ang dalawang biktima sa bahay ng isa sa mga suspek kung saan doon na sila inundayan ng saksak ng dalawa.
Dead on the spot si Emilio habang nagawa namang magpasaklolo sa mga kapitbahay si Danilo.
Isang hot pursuit operation ang ikinasa sa dalawang suspek na parehong tumakas matapos ang krimen.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews