Mag-inang dolphin, nailigtas sa laot
Environment

Mag-inang dolphin, nailigtas sa laot

Feb 5, 2026, 6:41 AM
Sol Luzano

Sol Luzano

Writer

Matagumpay na nailigtas at naibalik sa karagatan ang isang inang dolphin at ang anak nito matapos ma-trap sa mababaw na bahagi ng bukana ng ilog sa Sitio Kaingin, Barangay Bignay 2, Sariaya, Quezon kamakailan.

Ayon sa ulat, unang napansin ng dalawang menor de edad ang mag-inang dolphin na naiwan sa mababaw na tubig dulot ng low tide, malapit sa isang resort sa baybayin.


Agad nilang ipinaalam ang insidente sa mga miyembro ng Bantay Dagat at mga volunteer responder sa lugar upang humingi ng tulong.


Dahil sa maagap na koordinasyon at mabilis na pagresponde, kaagad na rumesponde ang mga kasapi ng Volunteer Pawikan Patrol at Bantay Dagat ng bayan ng Sariaya upang magsagawa ng rescue operation.


Maingat na ginabayan ang mag-inang dolphin palabas ng mababaw na bahagi ng ilog at inihatid pabalik sa mas malalim na bahagi ng dagat hanggang tuluyan silang makabalik sa laot.


Batay sa paunang pagsusuri ng mga rescuer, posibleng nadala ng malakas na agos ang mga dolphin dahilan upang mapadpad ang mga ito sa mababaw na bahagi ng ilog.


Mabuti na lamang at walang nakitang sugat o anumang pinsala sa mga hayop matapos ang insidente.


Samantala, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na agad iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahalintulad na pangyayari upang masiguro ang kaligtasan ng mga hayop at ang agarang aksyon ng mga responder.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.