Binawian ng buhay ang isang babae habang sugatan ang kanyang anak matapos umanong mabangga ng isang motorsiklo sa Calamba City, Laguna noong May 7.
Pumanaw habang ginagamot sa J. P. Rizal Memorial Hospital ang biktima na kinilalang si alyas "Madona," 37 anyos at residente ng Barangay Makiling ng naturang lungsod, habang patuloy namang ginagamot ang kanyang apat na taong gulang na anak na babae.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Calamba City Police Station, tumatawid umano ang mag-ina sa kahabaang ng National Highway malapit sa barangay hall ng Makiling nang mabangga sila ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang alyas "Jayson," 27 anyos at residente ng Barangay Mamatid, Cabuyao City, Laguna.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon sa kalsada ang mga biktima, dahilan upang magtamo sila ng pinsala sa katawan.
Kaagad namang nahuli si "Jayson" ng mga tanod ng Barangay Makiling na rumesponde sa nasabing insidente.
Hindi naman malinaw kung bakit sa gitna pa mismo ng kalsada tumawid ang mga biktima gayong may pedestrian overpass naman sa nasabing lugar.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

