LUGOD AT SAKRIPISYO ni Mayor Oli
Quezon

LUGOD AT SAKRIPISYO

ni Mayor Oli

Jul 12, 2021, 12:55 AM
John A. Bello

John A. Bello

Writer/Columnist

MASAYA si Mayor Oli – simpleng tawag kay Mayor Celso Olivier Dator ng kanyang mga kababayan sa Lucban – nang malaman niyang maisasakatuparan na ang Mandanas ruling ng Supreme Court dahil madadagdagan ang kanilang Internal Revenue Allotment ng halos P300 million sa taong 2022.

“Magandang pagkakataon ito para maisagawa na ang plano natin talaga na ibigay sa dapat ibigay ang pondo at kung saan dapat ilagay,” pahayag ni Mayor Oli sa isang panayam ng Opinyon Quezonin kamakailan.


Naisip agad ng batang punongbayan ang pagsasakatuparan ng kanyang expanded pension program simula Enero ng susunod na taon para sa halos 5,000 senior citizens na nakatalagang makatanggap ng P500 monthly.


“Walang mahirap o walang mayaman, regardless of your financial capability, walang problema kahit may pension ka na sa SSS o sa GSIS, basta 65 yrs old ka, naninirahan sa Lucban, awtomatik meron kang pension galing sa ating pamahalaang bayan,” paliwanag ni Mayor Oli.


Ika-8 pantaunang ulat sa bayan

Si Dator, 41, ay nagsagawa noong June 30, 2021 ng kanyang ikawalong Pantaunang Ulat sa Bayan. Ilan sa kanyang ipinagmalaki ay ang bagong munisipyo na itatayo sa Bgy. Kulapi at ang karatig na kauna-unahang pampublikong ospital na parehong nag-groundbreaking na.

Ang bagong munisipyo, na inaasahang matapos ang konstruksiyon sa susunod na taon sa tulong nina Sen. Manny Pacquiao at DPWH Sec. Mark Villar, ay maghuhudyat ng pagsibol ng Bagong Lucban township project na magdudulot ng expansion sa kabayanan at bubuo ng bagong commercial complex, ayon kay Mayor Oli.

Sa kanyang pag-uulat, heto ang ilan sa kanyang mga natapos na proyekto na pinondohan ng 20% development fund:

Improvement of shelter for youth offenders and crisis center sa Bgy. Tinamnan na natapos na ang ground floor at 2nd flr.; construction ng sanitary landfill at access road patungo roon sa Bgy. Kalyat; concreting ng Regidor St. sa Bgy. 9; slope protection (riprapping) ng multipurpose hall ng Bgy. Nalunao; rehabilitation ng drainage canal at installation ng fabricated grills sa sitio Kastilyo, Bgy. Palola at iba pa na umaabot sa P19,371,883 ang kabuuang halaga ng mga proyektong imprastrakturang naipagawa.

Karaban ni Oli

Si Mayor Oli ay may may sariling karaban na nagbibigay ng diretsong tulong sa mga Lucbanin simula pa noong 2013.

Ilan sa mga serbisyo na ibinibigay ng Karaban ni Oli sa 32 barangays ng Lucban ay ang pagdadala ng doctor sa barangay na nagsasagawa ng libreng konsulta at libreng gamot; pagdadala ng libreng kagamitan para sa barangay kagaya ng first aid kit, face shield, timbangan, blood pressure monitor, thermal scanner, nebulizer, mga kagamitan ng barangay tanod tulad ng flashlight, radio transistor, pito, vest, hard hat, payong, kapote at iba pa.


Lucban kontra droga

Ipinagmamalaki ni Mayor Oli na kinilala ng DILG at ng Dangerous Drug Board ang programang Lucban Kontra Droga na nagkamit ng 90 functionality points, isa sa pinakamataas na grado ng ADAC Performance Audit. Ang DDB ay nagbigay ng P5M kada taon sa loob ng 3 taon na ginamit ng pamahalaang bayan ng Lucban sa pagsasaayos ng Pagbabago at Pag-asa Reflection Camp para sa patuloy na aftercare program sa mga drug surrenderers.

Ayon kay Mayor Oli may 11 ang drug-cleared barangays nila – Aliliw, Atolinao, Bgy. 2, Bgy. 6, Igang, Kakawit, Kalyaat, Manasa, May-it, Nagsinamo at Nalunao; at may 6 na drug unaffected barangay – Kilib, Kabatete, Mahabang Parang, Piis, Malupak, at Tiawe.


Bakuna laban sa Covid-19

Noong July 5 ay nagpabakuna sina Mayor Oli at ang kanyang maybahay na si mayora Acel Salvacion-Dator bilang pagpapalakas ng kampanya sa vaccination para sa mga Lucbanin. May 4,500 katao na nabibilang sa A1, A2 at A3 category ang nababakunahan sa bayan ng Lucban at 2,630 na ang naturukan ng 2 beses sa Sinovac vaccine. Ayon kay Mayor Oli, 3 linggo nang may 1,000 vaccine doses kada linggo ang dumadating sa kanila hatid ng DOH.


Malapit nang magbukas ang Satellite Vaccination Site na isasagawa sa SLSU Covered Court para mas marami ang mabakunahan at mapadali ang roll out ng vaccination katuwang si municipal health officer Dr. Luis Mallari, head nurse Armelyn Laqueo at mga medical frontliners.

Sa pinakahuling tala ng Quezon Integrated Provincial Health Office noong July 9 ang Lucban ay may 36 active cases pa rin sa kabuuang kumpirmadong kaso na 757, recoveries na 676 at 45 na mortalities.


Bagong Lucban

Pinapangarap ni Mayor Oli ang pagtatayo ng isang Bagong Lucban sa labas ng bayan na magiging pook ng komersiyo upang magkaroon ng decongestion ang loob ng poblacion na hinahangad naman niyang gawing eco-cultural heritage kagaya ng Vigan sa Ilocos Sur.

Ang poblacion anya ay magiging lumang Lucban na ang papayagan lang na uri ng transportasyon ay e-bike, e-trike at e-jeep, na may mga kalesa-karetela para mapreserba ang dating ganda ng lumang kabayanan.

Sabi pa ni Mayor Oli ay inihahanda na niya sa time ni Mayora Acel ang mga susunod pang mga kaganapan sa bayan ng Lucban.

Walang gatol na ipinahayag ni Mayor Oli na upang magkaroon ng continuity sa kanyang mga development programs ang kanyang kabiyak ang balak niyang pumalit sa kanya sa 2022.

Si mayora Acel na isang registered nurse ay tumatayong municipal gender and development focal person at kasapi ng iba’t ibang civic organizations na katuwang ng pamahalaang bayan sa pagtataguyod ng kaunlaran.


Inspirasyon sa panunungkulan

Marami pang plano at pangarap si Mayor Oli tulad pagpapalawak ng pamilihang bayan at pagtatayo ng isang grand central terminal.


“Gaya ng aking lolo Hobart Dator, Sr. na siyang aking inspirasyon sa panunungkulan bilang lingkod bayan, gusto kong may maiwang magagandang nagawa para sa bayan ng Lucban. Magkasing-edad kami ni Lolo Hobart, 33, nang magsimula kaming maging punong bayan,” pahayag ni Mayor Oli.



Si Lolo Hobart na naging guerrilla leader sa edad na 17, nanilbihan bilang punongbayan noong 1955 hanggang 1972, nahalal na board member mula 1973 hanggang 1986 bago naging bise gobernador at acting governor. Ito’y ginawaran ng posthumous award na Medalya ng Karangalan ng pamahalaang panglalawigan noong 2008.

Para kay Mayor Oli, lugod at sakripisyo ang pagsiserbisyo sa bayan at pag naririnig niya ang patalastas ng isang kape, ‘Para kanino ka bumabangon?’ ay malinaw at mataginting ang binibigkas ng kanyang puso at isip na:


“Para sa mga mamamayang naniniwala at nagtitiwalang may magagawa para sa kanila ang ama ng bayan na kanilang iniluklok.”#

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.