Humihiling ng agarang suporta at pag-endorso mula sa Sangguniang Panglungsod ng Tayabas, Quezon ang SE Renewable Energy Inc. (SREI) para sa kanilang planong Lucban Wind Power Project.
Sa isang opisyal na liham na ipinadala noong March 30, binigyang-diin ng kompanya ang kahalagahan ng proyekto sa pag-unlad ng renewable energy sa bansa, partikular sa Tayabas City.
Ayon sa SREI, natanggap na nila ang Certificate of Authority mula sa Department of Energy (DOE) noong Pebrero 19, 2025, na nagbibigay ng pahintulot para simulan ang mga aktibidad kaugnay ng wind power project.
Ipinahayag ng kompanya na mahalaga ang mabilis na aksyon mula sa Sangguniang Bayan upang masimulan agad ang mga kinakailangang paghahanda at maiwasan ang mga posibleng abala, lalo na ngayong papalapit na ang tag-ulan.
Kabilang sa mga paunang aktibidad ng proyekto ang ocular inspection sa lugar, koordinasyon sa mga lokal na ahensya, at paglalagay ng mga kagamitan para sa data gathering at environmental studies.
Sa mga susunod na yugto ay inaasahang magkakaroon ng mga road expansion, pag-install ng wind turbine generators, substation facilities, at transmission lines.
Inaasahan ding magdudulot ito ng dagdag na trabaho, mas pinabuting imprastraktura, at pangmatagalang benepisyong pang-ekonomiya at pangkalikasan sa komunidad.
"The project presents an immediate opportunity to contribute to energy security, sustainability, and local economic development. Prompt endorsement will enable SREI to proceed with essential preparatory activities, ensuring that Tayabas remains aligned with the growing national push for clean energy solutions," pagbibigay diin ng SREI sa kahalagahan ng proyekto sa Tayabas.
Ipinabatid din ng SREI na nakipagpulong at nakakuha na sila ng Resolutions of Support mula sa mga barangay ng Valencia, Ilasan Ilaya, at Talolong na kinikilala ang potensyal ng proyekto para sa lokal na pag-unlad.
Sa kanilang liham, umaasa ang SREI na agad ding maglalabas ng Resolution of Support ang Sangguniang Panglungsod para sa proyekto at handa silang magbigay ng karagdagang dokumento o presentasyon kung kinakailangan.
Ang Lucban Wind Power Project ay inaasahang magdadala ng malinis na enerhiya at dagdag na oportunidad para sa Tayabas, kasabay ng pagsuporta sa pambansang adbokasiya para sa renewable energy.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

