Madaling matukso sa alok ng mga "fixer" sa mga tanggapan ng pamahalaan dahil sa kabagalan ng regular na pagpoproseso ng mga dokumento.
Pero paalala ng mga awtoridad, ang "shortcut" na ito ay pwedeng magdulot ng perwisyo lalo na't hindi nakasisigurong dumaan sa lehitimong proseso.
Ito ang mahigpit na paalala ng Land Transportation Office (LTO) kasabay ng pagkakadakip ng isa umanong fixer sa Cabuyao City, Laguna noong Miyerkules, August 19.
Nasakote ang hindi pinangalanang suspek sa isang joint operation ng LTO Cabuyao District Office at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Laguna police kamakailan.
Nag-ugat ang operasyon sa isang reklamong inihain ng isang indibidwal na naghain ng reklamo sa LTO Cabuyao District Office, na nagsabing siya ay nabiktima umano ng panloloko kaugnay ng isang transaksyon sa ahensya.
Nabisto ang suspek dahil nag-alok pa rin siya ng assistance sa asset ng LTO kahit pa nagpatupad na ng Alternative Work Arrangement (AWA) sa LTO Cabuyao District Office, kung saan walang isinasagawang public transactions sa naturang tanggapan noong araw ng operasyon.
Lumabas naman sa imbestigasyon ng CIDG na ito na ang ikalawang beses na naaresto ang suspek dahil sa umano’y illegal fixing activities.
Muling pinaaalalahanan ng LTO Calabarzon ang publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga opisyal na tanggapan at lehitimong channels ng LTO at huwag tangkilikin ang sinumang nag-aalok ng “palakad,” shortcut, o hindi awtorisadong assistance kapalit ng bayad.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

