Lopez, Quezon--Bukod sa bayan ng edukasyon, bayan din ito ng baha.
Sa tuwing bumabaha sa bayang ito, tubig ang higit na bumabalong at umaanod rito.
Pero noong isang linggo, putik ang bumalot at lumatag hindi lamang sa kabukiran at kabayanan ng munisipyo.
Unang nanalasa ang ulan sa bayang ito noong ika-12 ng Abril, 2023 kasunod ang pahayag ng Pag-asa na may Low Pressure Area (LPA) bagamat itinakda ang namumuong sama ng panahon bilang bagyo at pinangalanan itong Amang.
Itinaas ng Pag-asa ang Signal 1 sa ilang lugar sa Bicol at Lalawigan ng Quezon kabilang ang Lopez.
Nang hapon at paggabi nang araw ring 'yon, nagpulong ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) sa pangunguna ni Mayor Rachel Ubana.
Gayundin, alas singko pa ng hapon ay sinuspinde ng mga kinauukulan ang klase kinabukasan sa mababa at mataas na paaralan.
Ayon sa Public Information Officer (PIO) ng Local Government Unit (LGU) na si Sheryl Canafranca, pinag-usapan sa miting ang preparasyon sakali at lumakas pang lalo ang ulan at hampas ng hangin at ang mga epekto ng mga ito sa mga susunod na oras.
"Nakahanda naman pong lahat ang mga sangay ng lokal na pamahalaan sa mga kaganapan," wika ni Canafranca na ang tinutukoy ay ang mga pinagsanib na puwersa ng Municipal Engineering and Department, Municipal Social Welfare and Development (MSWD), Municipal Environment and Natural Resources (MENRO) at iba pang ahdnsiya kaugnay sa pamamalakad sa paghahanda sa kalamidad.
Gayunman, ang inaakalang ulan lamang ang babagsak at aagos ang baha ay nakagulantang ang biglang pagtaas ng tubig ng mga bandang alas otso ng gabi.
"Wala kaming kamalay-malay, nagrerepake kami ng paninda rito sa tindahan nang mapuna naming pumapasok na ang tubig sa loob ng tindahan. Hanggang unti-unting nababasa ang mga paninda namin," pahayag ni Nancy de la Rosa-Reyes, 64tagapamahala ng 4N Store sa panulukan ng Dolores Street at San Roque Street.
Ang ginawa nila, ayon kay De la Rosa-Reyes, kasama ang mga tindero at tindera at ilang kaagapay sa tindahan, itinaas ang mga paninda sa mataas na bahagi ng kabinet bagamat nabasa at nasira rin ang mga papel o karton ang pambalot.
"Napuna namin, umaanod na sa bahay namin ang tubig, mga alas otso, " wika ng mag-asawang Benigno Flavier, 54 at Teresita Flavier, 53, residente ng Barangay Rizal Poblacion.
"Umapaw ang Talolong River kaya dumiretso sa amin," pahabol ng mag-asawa na nakatira sa malapit sa ilog.
"Pumunta pa nga rito sa may ilog si Mayora (Rachel)," pakli ni Benigno.
"Nabasa ang mga bayong namin na may palay. Pati 'yong gilingan namin, sala set at freezer, binaha," sabi ni Elmo Leogo, 52, na naninirahan din sa tabing-ilog na bagamat nakangiti ay napapatalak sa inis dalawang araw matapos humupa ang baha.
Ayon kay Canafranca, magdamag na umulan.
Hindi anya tubig ang umagos kundi putik.
Sinabi ng Lopez PIO na mula sa bundok ang rumagasang putik tulad rin ng pahayag ni Ubana sa mga panayam sa kanya sa pambansang media.
Bagamat hindi ito ang kauna-unahang pagragasa ng putik sa bayan pag may malakas na ulan, sinabi ni Canafranca na wala pang opisyal na pananaliksik kaugnay sa pinanggalingan ng putik nitong nakaraang linggo na dumiretso sa Talolong River at umapaw.
Kinumpirma ni Canafranca na may ulat noong hindi pa siya PIO na umagos din ang putik noong 1995 (isang bagay na sinang-ayunan ng kanyang mister na si Clayton Canafranca na ngayon ay kawani ng NDRRM) sa kasagsagan ng bagyong Rosing.
Sinabi ni Sheryl na umaabot sa 2,179 na indibidwal at 638 na pamilya ang apektado ng baha.
Inilinaw niyang walang nagbuwis ng buhay o naaksidente sa kalamidad.
Bilang mamamayan ng Lopez, ang dinatnan namin ng peryodistang pampelikulang si Art Tapalla, kasamang bisita noong gabi ng Huwebes, ika-13 ng Abril, 2023 ay makapal na putik na nakalatag sa buong ibabang sahig ng bahay ng mamamahayag na ito.
Dalawa lamang ang Cogorin at Sto. Nino sa 95 na barangay sa Lopez sa nakaranas ng pagguho ng lupa.
Samantala, bukod sa mga pampubliko at pribadong ahensiya sa Lopez, nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng baha ang Balikatan Club, Kalasag at ibang orgnisasyon sa karatig-bayan ng Gumaca.
Ayon pa rin sa Lopez PIO, nagmiting na ang LGU kung paano pa maiiwasan at malulutas ang di-kaiga-igayang epekto ng baha.
Naitatag na, anya, noong 2020, ang Bocboc Flood Prevention Project para sa pagkontrol ng baha.
Nagtalaga rin ang LGU ng mga evacuation center sa iba't ibang lugar ng Lopez kabilang angBarangay Magsaysay Hall.
Noong Sabado, ika-15 ng Abril, 2023, tanging ang pamilya na lamang ni Juanito Arsola, 60, residente ng barangay ang naiwan sa bulwagan.
"Hindi pa kami makabalik sa bahay namin dahil tutukuran pa namin. Kailangan namin ng tulong," wika ni Juanito.
"May tulong naman sa tulad ni Juanito. Pero ang kailangan ay permanenteng tulong," pahayag ni Ramil Salamat, Barangay Chairman ng Magsaysay.
Sinabi ni Salamat na pangmatagalan ding solusyon sa baha ang kailangan.
"Bakit kami binabaha rito sa Barangay Magsaysay at sa iba pang lugar dito sa Lopez? Walang malinaw na proyekto ang LGU para lutasin angbaha. Kung saan-saan pinapadaan ang mga drainage system na mahihina kaya kung saan-saan din bumabaha," sabi ni Salamat.
"Yong 20 percent development fund, kung saan-saan lang napupunta.